Nais na matukoy sa lalong madaling panahon ni Dr. Dean Palanca, PPC Incident Management Team Commander ang pinanggalingan ng Omicron variant BA.1.12.2
Sa naunang ulat ng Department of Health (DOH) sa isinagawang live press briefing dakong…. ngayong araw kung saan nabanggit na may 14 na bagong kaso ng COVID-19 sa bansa at ito ay ang pinaniniwalaang mas nakakahawang Omicron subvariant BA.1.12.2.
Mabilis na pinabulaanan ito ni Incident Management Team Commander, Dr. Dean Palanca, at agad na kinwestiyon kung saan nanggaling ang datos na idineklara ng ahensya.
Ayon sa panayam ng Palawan Daily News team kay Dr. Palanca, sinabi niyang nagpadala lamang sila ng labing-tatlong samples galing sa mga nagpositive na 12 turistang pumunta kamakailan sa Tubbataha Reef [12] at isang lokal.
Ang mga samples ay isinumite para sa genome sequencing, at ang mga resulta ay dumating sa kanila noong ika-11 ng Mayo, naglalaman na B1.1.529 ang variant na nakita—kaparehas na variant na nakita rin sa lungsod noong nagka”surge” nung Enero at Pebrero ngayong taon—at hindi ang sinasabing mas nakakahawang variant.
“Sa labing-tatlong yun, labing-dalawa galing sa [mga turista] ng Tubbataha Reef, yung isang sample galing sa local nating case, so labing-tatlo yun. Lahat ng resulta nun ay Omicron variant na B1.1.529. Kaya ngayong hapon, may lumabas na ganyang resulta galing Rappler [Omicron subvariant BA.1.12.2 in PPC], nagulat kami,” saad ni Dr. Palanca.
“Ang tanong?, “Saan nanggaling ang resulta na yan?” kasi irereport pa lang namin yung variant, e nauna pa yung national, e ang resulta dun, iba pa yung variant, yung variant of concern,” dagdag ng IMT Commander at sinabing ang variant na kanilang nakuhang resulta ay “apo” pa ng pinaka-common na variant ng Omicron
Nang tanungin siya kung alin ang dapat paniwalaan ng publiko ay dapat raw na panghawakan ang resulta na kanilang hawak—na walang subvariant BA.1.12.2 sa lungsod, at na ito ay ang variant na nauna na ring natukoy sa lungsod noong mga naunang buwan ngayong taon—dahil ito ay na-evaluate at nabigyan na rin sila ng kopya mula sa Philippine Genome Center.
“E yung 529 na resulta natin, padala na yan ng research institute. Na-evaluate na yun at binigyan na tayo ng copy galing sa Philippine Genome Center, and I think galing pa sa RITF yun. Ang panghahawakan natin, yung 529,” sabi ni Dr. Palanca.
Dagdag pa ni Dr. Palanca na mag-iinquire sila sa MIMAROPA-DOH patungkol sa naunang inilabas na datos ng DOH bagaman wala silang natanggap na kahit anong report patungkol sa sinabing natukoy na subvariant sa lungsod.
“Mag-iinquire kami ngayon sa MIMAROPA-DOH and then mag-iinquire yung region sa national [kung bakit] merong ganung resulta, sino yun? To follow pa yun, kasi bakit may ganun silang resulta at isa pa dyan hindi rin kami informed na may ganyan,”
“Bakit di kami informed kung may ganyan ang Puerto Princesa na variant? Wala naman kaming ibang pinadala, pina-test, other than dun sa labing-tatlo na yun, and nakuha na rin naman namin yung resulta, so ibig sabihin ito ang panghahawakan naming resulta,” ayon kay Dr. Palanca.
Pinapaalalahan naman ni Dr. Palanca ang publiko na maging maalam pa rin sa nangyayaring mga kaso ng COVID-19 dahil ito raw ay “here to stay” at karamihan ng mga namamataang mga kaso ay dahil na rin sa patuloy na takbo ng turismo sa lungsod.
“Actually, sinasabi naman natin na ang COVID-19 is here to stay. Karamihan ng ating mga cases ngayon na naglalabasan ay dahil na rin sa mga ating pumapasok na mga taga labas [foreign tourists] na pumupunta dito sa Puerto Princesa,” pagpapaalala ng IMT-Commander.
“May mga cases pa rin tayong masasalubong na ganyan, and hopefully sana hindi tataas ang cases natin. Kung may dumating man na mga subvariant, e nakahanda naman tayo. Meron naman tayong response for that. For now, wala naman dapat ikabahala,” pagtatapos ni Dr. Palanca sa panayam.