Pulis at ‘asset’, inireklamo ng 22-anyos na lalaki

Dumulog sa tanggapan ng National Bureau of Investigation Puerto Princesa City District Office ang isang 22-anyos na lalaki para ireklamo ng pambubugbog umano ng pulis at asset nito.

Dumulog sa tanggapan ng National Bureau of Investigation Puerto Princesa City District Office ang isang 22-anyos na lalaki para ireklamo ng pambubugbog umano ng pulis at asset nito.

Ayon Kay Edwin Rivera Jr ng Bgy Bancao-Bancao, nangyari ang insidente bandang alas-2 ng madaling araw noong Oct 6, 2019 sa kaniyang tinutuluyan sa Peo Road, Bgy Bancao-Bancao, Puerto Princesa City.

Sinabi ni Rivera na ang kaniyang mga inireklamo ay si Police Seargent Merico Arsaga na nakatalaga sa Puerto Princesa City Police Office Station 1 at isang Mark  Castillo alyas Along.

“Nagising na lang ako sir bigla akong sinuntok tapos hinatak nila ako palabas ng kwarto, ngayon pinakuha nila ako ng pinagbanawal  na gamot eh wala akong maibigay sa kanila sir panay pa rin ang bugbog nila sa akin,” giit pa niya.

Pinalo rin umano siya ni Arzaga ng baril na caliber .45 sa kaniyang tagiliran.

Pinagbibintangan rin daw siya na gumagamit ng marijuana kaya habang binibugbog siya ay pinipilit siya na sabihin kung saan siya kumukuha ng ipinagbabawal na gamot.

Para tumigil ay nagkunwari na lamang umano siya na  ituro  ang kaniyang source kaya isinakay siya sa motorsiklo at dinala sa isang lugar.

Pagdating sa lugar ay iniwan siya ng mga ito para magpagasolina ng motorsiklo at pinagbantaang papatayin kung aalis pero sinamantala na niya ito para makatakas.

Naniniwala si Rivera na nagselos si Castillo matapos niyang ayain sa kaniyang birthday ang girlfriend na nakilala niya sa Facebook.

Samantala, sa panayam ng Palawan Daily News kay Arzaga, mariin niyang itinanggi ang mga akusasyon sa kaniya.

Ayon sa kaniya, si Castillo ang sumuntok kay Rivera at umawat lamang siya.

Wala rin umanong katotohanan na pinalo niya ng baril ang biktima dahil wala siyang dalang baril ng mga oras na iyon.

Kwento pa ni Arzaga, sinabi raw sa kaniya ng kaniyang asset na si Castillo na nakita nito ang minamanmanang sangkot sa ilegal na droga pero sinabi niya raw na wala silang hawak na warrant of arrest kaya hindi ito maaaring hulihin dahil dito sinabi umano ni Castillo na ipapakita niya na lamang ito sa kaniya kaya pumunta sila  sa tinutuluyan nito.

Idinagdag pa niya na sa kaniyang pagkakaalam ay binastos ni Rivera ang kasintahan ni Castillo na ikinagalit ng huli.

Posible rin daw na ginagantihan lamang umano siya ni Rivera dahil ang isa sa kapitbahay nito ay dati na nilang nahuli sa anti-illegal drugs operation.

Kaugnay  nito ay handa naman umano niyang harapin ang kasong isasampa sa kaniya subalit magsasampa rin umano siya ng kaso laban kay Rivera kung gagawa-gawa ito ng maling istorya laban sa kaniya.

Samantala, itinanggi naman ni Rivera na binastos niya ang kasintahan ni Castillo bagamat sa ipinakita ng biktima sa PDN na conversation nila sa facebook ng babae ay nakukulitan na ito sa pagliligaw sa kaniya ng biktima at sinabi nito na may boyfriend na siya at ito ay si Castillo na nakilala rin ni Rivera.

Itinanggi niya rin na siya ay gumagamit ng ipinagbabawal ng bawal na gamot na pinatutunayan umano ng resulta ng kaniyang drug test.

Samantala sinabi naman ni PPCPO City Director Police Colonel Marion Balonglong na nakarating na sa kaniya ang usapin at kakausapin niya ang sangkot na pulis.

Iginiit niya rin na hindi ito kukunsintihin kung mapatunayang nagkasala.

Magkagayunman ipinauubaya na niya sa NBI ang kahihitnan ng kaso dahil doon ito nagsampa ng asunto pero malaya naman raw ang nagrereklamo na magsampa rin ng reklamo sa kaniyang tanggapan para maialis niya ito sa Police Station 1 at mailagay sa restricted custody sa Punong himpilan.

Exit mobile version