Nabigla ang pamilya ni Mylene Panes Castro nang madiskubre sa pagbisita nila sa libingan ng kanilang mga magulang sa City Cemetery kahapon, June 20, 2021, na binahayan na ito ng isang indibidwal. Ginawa pa umano itong lugar-inuman at marami na ring basura sa lugar.
Sa pamamagitan ng social media ay humingi ng tulong si Mylene sa mga kinauukulan na tugunan ang sitwasyon.
“Nais ko po sanang matawag ang pansin ng pamunuan ng Puerto Princesa City Cemetery, nakalulungkot na makita mo na ang libingan ng mahal namin sa buhay ay ganito na, tinirhan na at ginagawa pang inuman,” aniya sa kanyang post kahapon.
Aniya, ama at ina nila ang nakalibing sa old Cemetery kaya kanilang dinalaw kahapon, kasama ang tatlo niyang nakatatandang mga kapatid na babae. Naabutan umano nila na may dumi pa ng tao sa puntod.
“Nakatatakot po kasi dahil nang dumating ako, nagsisigaw po ‘yong babae at nagbabanta po na papatayin n’ya raw kami kaya kinausap ko ang tatlong ate ko na ‘wag na magsalita,” ani Castro.
Napag-alaman umano nilang may sakit sa pag-iisip ang nasabing babae na ayaw nang umalis sa puntod ng kanilang mga magulang.
Matapos namang ipabatid ng Palawan Daily News team sa barangay ay agad na inaksyunan ng pamunuan.
Sa pamamagitan ng text message ay binanggit ni Kapt. Virgilio Rabang ng Brgy. Masipag na agad nila itong ipinaalam sa pamilya upang ma-rescue kasama ang VAWC at tanod ng kanilang barangay.
“Okey na po, napaalis na namin. Pinuntahan din ng kanyang mga kamag-anak. Naalis na rin ang mga gamit nya po,” ani Kapt. Rabang.
Napag-alaman pa umano nilang buwan na nang palipat-lipat ang naturang babae sa loob ng City cemetery.
Lubos naman ang pasasalamat ng pamilya sa pag-aksyon ng barangay officials.
“Nagpapasalamat po ako kay Kapt. Rabang, [sa] mga kagawad at tanod na nag-asikaso po sa problema namin sa puntod ng aming mga magulang at nangako po sila na paiikutan ng
tanod araw-araw ang area para di na bumalik pa,” ani Gng. Castro.