DOH MIMAROPA Regional Director Dr. Mario S. Baquilod visited the Palawan Provincial Emergency Operations Center (EOC), Provincial Incident Command Post, at Provincial Testing Facility for COVID-19 in Brgy. Irawan.

City News

Regional Director ng DOH MIMAROPA, bumisita sa Palawan

By Lexter Hangad

October 30, 2020

Binisita ni DOH MIMAROPA Regional Director Dr. Mario S. Baquilod ang Palawan Provincial Emergency Operations Center (EOC), Provincial Incident Command Post, at Provincial Testing Facility for COVID-19 sa Brgy. Irawan, lungsod ng Puerto Princesa noong ika-29 ng Oktubre, 2020, matapos puntahan ang ilang mga munisipyo sa bahaging norte ng lalawigan noong mga nagdaang araw.

Ayon kay PDRRMO focal person Allen Vincent Abiog, ang pagbisita ni Dr. Baquilod sa Provincial EOC sa nabanggit na barangay ay para inspeksyunin ang kanilang operations center.

“‘Yong pagbisita niya ay nagkaroon lang ng kaunting assessment doon sa ating testing facility and then binisita rin ni Dr. Baquilod ‘yong on going construction ng ating Provincial Molecular Bio Lab,” kwento ni Abiog.

Dagdag pa nito, noong araw ng Martes ay dumalo si Dr. Baquilod sa city government para sa bandillo ng nationwide vaccination of Measles, Rubella and Polio (MROPV). Nakipag-pulong naman siya noong hapon sa Provincial Health Office (PHO) kasama ang ilang mga opisyales sa pangunguna ni Dra. Erika Labrador, head ng nasabing tanggapan. Noong araw naman ng Miyerkules ay tumungo ito sa RHU Roxas at San Vicente upang muling mag-inspeksyon.

Samantala, ang pagbisita ni Dr. Baquilod sa lalawigan ng Palawan ay upang masiguro na nasa ayos ang quarantine facilities at nasusunod ang health protocols na ipinapatupad ngayon ng gobyerno.