Renewal ng prangkisa ng pampasadang tricycle sa Puerto Princesa, pinalawig hanggang Marso

File Photo

Pinahintulutan na umano ng Sangguniang Panlungsod ng Puerto Princesa ang pagpapalawig ng panahon sa pag-renew ng prangkisa ng mga tricycle. Dapat kasi ay magtatapos na ito ngayong buwan ng Pebrero.

“Ang naaprubahan ng Sanggunian [Panlungsod], binigyan nila ng grace period na hanggang katapusan ng March yung renewal ng ating mga prangkisa at yung renewal po ng ating Mayors Permit o yung pagbabayad ng supervision fee ay until April [ng] katapusan,” Ayon kay Rodel Muñoz, head ng Tricycle Franchising Section.

Dagdag pa ni Muñoz, hinihintay na lamang nila ang lagda ni Mayor Lucilo Bayron para sa pormal na pagpapalawig ng panahon para sa renewal ng mga prangkisa.

“Actually, bagamat approved na ito ng Sangguniang Panlungsod ay hinihintay natin ang approval ni City Mayor, sapagkat ang ating mga resolusyon ay kailangan aprubado po ng ating honorable City Mayor bago natin iimplementa,”

Ayon naman kay Toto, isang tricycle driver sa Barangay Sicsican, malaking tulong ito sa kanyang mga kasama na umaasa na mapahaba ang panahon ng renewal nito, dahil ang iba nagdadalawang isip mag-renew lalo na nasa panahon tayo ng pandema at pahirapan ang pasada.

“Ok naman [na ma-extend], kasi yung mga driver hirap ang pasada ngayon, tuyo ang pasada lalo na hindi na puwede ang tricycle sa highway, nagdadalawang-isip sila [mag-renew ng prangkisa]. Ako nga hindi na sana mag-renew kaya lang sabi ng asawa ko, ‘Mag-renew ka na lang. para kung gusto mo mamasada, makapasada ka.’ Baka daw pag hindi na ako magtagal sa trabaho ko eh,”

Pareho rin ang naging reaksyon dito ni Jhon, tricycle driver sa Barangay San Pedro, tapos na umano siya mag-renew ng kanyang prangkisa at Mayors permit pero may mga kasama pa umano siya na nag-aasikaso parin hanggang ngayon para maging legal ang kanilang pamamasada.

“Nagpasada nga ako noong Thursday mula 2:30 ng hapon hanggang alas 5:00 [ng hapon] limang (5) pasahero lang naisakay ko,. Dito sa Poblacion wala ka na makuha may mga kolorom pa na namamasada. Kaya maganda na nag-extend para yung iba na naghahanap pa ng pandagdag na pera para pang-asikaso sa pag-renew,”

Exit mobile version