Residenteng kalalaya pa lang, timbog matapos magbenta ng droga

PUERTO PRINCESA CITY– Arestado ang isang lalakeng nagngangalang Dexter Bryan Navales matapos mahulihan ng isang pakete ng hinihinalang shabu, pasado alas-nuwebe ng gabi, Setyembre 7, 2018 sa Barangay Maligaya, Del Pilar. Ayon kay PO3 Japhet Salmo, sa pamamagitan ng kanilang confidential asset ay natungo nila ang lugar kung saan nagaganap ang kanilang transaksyon ng makita nila ang suspek na pasimpleng inaabot ang isang pakete ng droga kapalit ng marked money.

“Kasama natin nang oras nang yun ang asset natin. Doon sa text sa Bgy. Maligaya kami magkikita, nang makita na namin yung target. Nilapitan namin para mag panggap na bibili kami. Kaya pagka-abot sa akin, doon na namin siya nahuli,” saad ng pulis.

Inamin ng suspek na sa kanya nanggaling ang pakete ng shabu. Kasabay nito ay napag-alaman din na kalalaya lamang ni Navales dahil sa kasong murder. “Opo, sa akin po ‘yan pero ngayon lang po ako nagbenta niyan. Di ko naman talaga gawain ‘yan.

Ito pa lang ang una. Sa dati ko namang kaso, nadamay lang po ako doon, inaawat ko lang pero ako ang nakulong,” ayun sa suspek. Samantalang, dismayado ang kapitan ng barangay sa kaso ng suspek dahil layon nitong maideklara ang kanilang barangay bilang “Drug-free barangay.”

Exit mobile version