RT-PCR cartridges sa Puerto Princesa, ubos na!

Inamin ni Dr. Dean Palanca, Puerto Princesa Incident Management Team (IMT) Commander, na ubos na ang Real-Time Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) cartridges ng Ospital ng Palawan. Ang cartridge ay ginagamit sa pag-test para makumpirma kung positibo ang isang indibidwal sa COVID-19.

“Actually, masasabi ko na paubos na yung kits natin diyan sa ONP. Yes wala na ‘yan, halos depleted na ‘yan kaya parang as an LGU kaniya-kaniyang gawa ng paraan. Tayo gagawa rin tayo ng paraan.”

Aniya ang mga cartridge na ito ay mula sa National Government kaya’t hindi lamang ang Local Government Unit ng lungsod ang namomroblema ukol dito kundi ang ibang mga lugar din sa bansa.

“Galing sa National [Government] ‘yan through fund ng DOH ‘no. Fund ng DOH ‘yan and then may kasamang CBSP fund. I think sa buong Pilipinas, pare-parehas na problema. And then ang tentative nila sa April pa makakapadala daw, by April. So bawat siguro, kahit dito sa LGU natin, gagawa at gagawa ng paraan kung papaano maka-procure ng GeneX cartridges…”

Nagpapasalamat naman ito na mayroong Antigen testing na ginagawa ang kanilang tanggapan kahit hindi ito ‘gold standard’ ng pag-detect sa COVID-19. Dahil dito, kahit papaano ay mayroon umanong paraan upang malaman kung positibo o negatibo ang isang indibidwal sa virus.

“Mabuti nga lang may Antigen [test] tayong ginagawa kesa sa ibang mga lugar. Hindi ko alam ‘yung sa province kung paano nila ite-test ‘yan. Ngayon ang sabi nila is 2 antigen [test] sa loob ng 1 week, so kung mag-negative siya sa dalawang ‘yun ika-quarantine mo pa rin siya ng 14 days and then dire-diretso ‘yung pag-monitor sa kaniya.”

Ngunit may pagkakataon din na nagkakaroon ng false negative at positive kaya’t kahit ano pa man ang maging resulta ng COVID-19 test ay kailangan pa rin i-quarantine ang isang indibidwal.

“Meron tayong cases na Antigen negative pero nag-RT-PCR siya, positive. Meron din Antigen positive [pero] ‘pag in-RT-PCR mo, negative siya parang ganun. Kaya importante ‘yung 14-day mo [na ‘pag quarantine] kahit anong mangyaring resulta. Kailangan [ay] isolate ka ng 14 days.”

Umaasa naman ito na ikokonsidera ng DOH ang resulta ng Saliva Test na ginagawa ng Red Cross dahil pareho lamang ang porsyento ng accuracy at layunin nito.

“Sana ma-consider din ‘yun kasi hindi naman magkalayo [sila ng RT-PCR test]. Sana ma-consider sa taas kasi pare-parehas lang naman ‘yung kanilang mithiin eh – na maka-detect ng isang taong COVID suspect at positive pala talaga siya ganun. Usapan lang naman ‘yan ng Red Cross at saka ng DOH eh. Hopefully ‘no, i-open ko yun ulit sa kanila.”

Exit mobile version