Nakatakdang iakyat ng Sangguniang Panlungsod sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang kopya ng legal opinion ng City Legal Department upang bigyang-linaw kung pasok ba sa corporate powers ng siyudad o hindi ang pag-waive sa bayad sa renta ng mga tenant sa City Coliseum.
Ito ang nakayarian ng Konseho base sa suhestyon ng mga miyembro ng Committee on Ways and Means na pinanungunahan ni Kgd. Roy Ventura na nag-ulat ng usapin sa plenaryo kahapon ng hapon.
Ang nasabing liham ay mula kay City Administrator Arnel Pedrosa na may petsang Hunyo 30 na naka-address kay Vice Mayor Maria Nancy Socrates at sa mga miyembro ng Sanggunian ukol sa kahilingan ni City Coliseum Program Manager Jan Charlie Ligad sa posibilidad na i-waive ang monthly rentals ng mga tenants simula noong Enhanced Community Quarantine (ECQ) hanggang Mayo 15. Ito umano ay sa kadahilanang, kasabay ng quarantine restrictions ay nagresulta sa pansamantalang pagsara sa mga opisina ng mga umupa.
Nakasaad sa legal opinion na hindi mapagbibigyan ang request ni Ligad dahil wala umanong kapangyarihan ang City Government na huwag nang pagbayarin sa upa ang mga tenant at ang tanging magagawa lamang nila ay magbigay ng extension sa pagbabayad ng renta ng walang anumang interes o dagdag bayarin sa pamamagitan ng pagpasa ng Sanggunian ng isang ordinansa.
Ngunit para kay Kgd. Jimbo Maristela, naniniwala siyang kasabay ng pagpapaupa ng City Government sa mga pasilidad na mayroon ito ay nag-e-exercise din ito ng proprietal function. Kasabay umano nito, gaya sa ibang negosyante na nagpapaarkila ng pwesto at nagpapabayad ng arkila ay may kapangyarihan din ang Pamahalaang Panlungsod na hindi na maningil ng upa noong kasagsagan ng ECQ.
Bagamat ipinaabot ni Konsehal Ventura na sa ngayon ay nakahanda na ring magbayad ng renta ang nasabing mga tenant, minabuti pa rin ng Sanggunian na ituloy ang pagdulog sa DILG sa layong makatulong sa nasabing mga okupante at magiging batayan na rin nila sa mga susunod na kahalintulad na sitwasyon.