Kalunus-lunos ang sinapit ng isang dalawang linggong gulang na sanggol matapos saksakin at mamatay sa UHA Road, Barangay Tiniguiban bandang 4:00PM, May 29 habang sugatan naman ang ina nito.
Kinilala ang sanggol na si Morris Sortigoza na nagtamo ng saksak sa leeg na dahilan ng agaran nitong pagkamatay habang ang ina nito na nagtamo ng sugat sa bandang tiyan ay kinilalang si Michelle Sanchez.
Ayon kay Elizabeth Sanchez, ang kasama ng mga biktima sa bahay, lumabas lang siya para bumili sa tindahan nang malaman nito ang pangyayari kaya dali-dali itong tumakbo pauwi kung saan tumambad sa kanya ang duguang pamangkin at ate.
“Pagpasok ko po nakita ko po na puro dugo na ang baby tapos si ate po, nasa gilid po na nakahiga at nakahubad na po s’ya at nakatali po ang mga kamay at paa,” kwento ni Elizabeth sa panayam ng Palawan Daily.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, sinasabi umano ng biktimang si Michelle na may dalawang tao na pumunta sa kanilang bahay at sinaksak sila ng kanyang baby.
Pero ayon sa isang kapit-bahay ng mga biktima, wala naman silang napansin na ibang taong dumating sa kanilang lugar at wala rin silang narinig na komosyon o away sa bahay ng mga biktima.
“Kapit-bahay namin sila kaya concern din kami kung ano ang nangyayari sa kanila. Wala namang away kaming narinig kaya nung malaman ko na may nangyari sa kanila, agad akong tumakbo para tumulong at nakita ko nalang na duguan na sila. Wala naman kaming nakita na ibang tao na dumating dito sa amin,” ani Jaymark na kapit-bahay ng mga biktima at unang rumesponde sa krimen.
Sa panig naman ng tiyahin ng sanggol, sinabi nitong nagulat s’ya sa nangyari dahil kakaalis n’ya lang sa lugar at pagdating sa kanyang bahay ay nalaman na nito ang masamang balita.
“Tinext lang po ako na nasaksak daw kaya bumalik agad ako dito at ‘yun na nga. Okay naman sila kanina pag-alis ko. Nagtataka ako na ‘yung kutsilyo pa talaga nila ang ginamit e itinago ko nga ‘yun para safe sila. Parang may depression nga e, postpartum pero hindi ko alam dahil hindi talaga s’ya nagsasalita at tahimik lang s’ya,” kwento ng tiyahin ng sanggol.
Sa ngayon ay patuloy parin ang imbestigasyon sa kaso habang ang biktimang si Michelle ay nananatili parin sa pagamutan dahil sa sugat na tinamo nito sa katawan.