Ramdam na ng mga tagalungsod ang kakulangan ng suplay ng karneng manok at baboy sa kasalukuyan.
Sa paglibot ng Palawan Daily News Team sa Puerto Princesa City Public Market kahapon ay kapansin-pansin na nakasarado o walang nagtitinda sa bahagi ng meat section, partikular sa mga nagtitinda ng manok.
Ayon kay Old Market Admin Aide III Rebecca Bule na siya ring nagmo-monitor ng mga presyo sa pamilihan, simula pa noong nakaraang mga araw ay wala ng stock ng karneng manok.
“Simula January 10, wala nang dumating na mga stock at ang sabi sa akin ng mga nagde-deliver, walang stock. ‘Yong naka-usap ko na taga-Monterey ang sabi, ite-text lang ako kapag may stock na ng manok,” ani Bule.
Ang kawalan ng supply nito ay ramdam na rin ng mga nagtitinda ng mga litson-manok gaya ni Analyn Casiple na katiwala ng ChixPoint Litson House na kung saan, sinasabi umano ng kanilang supplier na nagkaproblema sa supply dahil sa na peste ang mga ito.
“Limited lang talaga [ang supply sa ngayon]. Nakikiamot-amot [lang kami sa supplier ng manok]; from Bulacan pa po ‘yan….Wala po talaga [supply ng manok mag]-isang linggo na. Kanina lang [nagkaroon] at kunti lang ‘yan….Noong nakabagyo-bagyo daw kasi na peste ang mga manok kaya imbes na may ha-harvest-sen ng January, wala [na]; imbes December…may mga maha-harvest [din], wala na dahil nagka-peste ang [mga] manok,” Ani Casiple.
SUPLAY NG KARNE NG BABOY
Sa kabilang dako, ang hinaing ng mga manininda sa palengke ukol sa kakulangan ng supply ng karne ng baboy ay una na ring ipinaabot sa Palawan Daily News noong bago ang Araw ng Kapaskuhan. Sinabi nilang ang dahilan nito ay ang pagluwas ng supply palabas ng Palawan na ang resulta ay mahal na bentahan hanggang sa mga Pamilihang-bayan.
Sa kamakailang programa ng “Newsroom,” ang online radio program ng Palawan Daily, walang paligoy-ligoy na tinuran ng 20 years ng meat vendor ng New Public Market na si Chat Limpahan na ito ay dahil sa iniluluwas ang mga baboy dito labas ng Palawan.
“Ganito po kasi ang nangyari, before Christmas, may pumasok na buyer sa [Palawan na galing sa] ibang lugar, especially galing sa Metro Manila, kung saan, nagkaroon ng sakit ng baboy doon kaya nakarating sila dito sa ating lugar sa Palawan,” ani Gng. Limpahan.
Gaya ng mga naunang naipaabot na impormasyon sa PDN, tahasan niyang sinabi na ang dapat na supply para sa lungsod at lalawigan ay nakuha na ng mainland Luzon.
“Sa ngayon, nagkakatay kami ng dalawa [baboy] eh, sa nakalipas na mga buwan, nagkakatay po kami ng lima,” ang pagkukumpara pa ng ginang sa kaibhan ng sitwasyon sa ngayon.
Sa kasalukuyan, aniya, kung nais na makabili ng buhay na baboy ay kailangang halos sabayan din ang presyo ng mga iniluluwas na produkto sa Kamaynilaan na minsan ay naglalaro pa sa P140-145/kilo mula sa dating P80-P90/kilo lamang.
Ibinahagi rin niya noong Martes na ang presyo ng laman ng baboy, ang pigi ay P250 kumpara noong bago mag-Pasko na nasa P200-220 lamang habang ang porkchop na dating nasa P190-P200 lamang ay P240 na sa ngayon na nakukuha ring P230 kapag wholesale.
“Ipinapaliwanag din po namin ‘yong dahilan, naiintindihan naman po nila (mga mamimili) pero po sa mga namimili na paminsan-minsan [lang] ay nagugulat po talaga sila sa presyuhan [ngayon],” aniya.
NAUUBOS AGAD ANG BABOY?
“Bumibili po kami ng baboy kahit mga under size pa dahil sa walang-wala po talaga [supply]. Sa totoo lang po, ‘yong 31 kilos, 70 kilos, 71 kilos sa dressed na po ay binibigay sa amin ng P185 per kilo. So, kung hindi po namin tataasan ang retail namin, hindi rin po kami makababawi [sa gastos namin],” paliwanag pa ni Limpahan.
Upang mahingi ang interbensyon ng lokal na pamahalaan, plano na rin umano ng kanilang grupo na makipagtalakayan sa Sangguniang Panlungsod.
“Pinapaalam ko po sa mga mamamayan ng Puerto Princesa, at hindi lang po sa ating siyudad [kundi maging sa buong Lalawigan ng Palawan], ipinaaalam ko po na sobrang mahal po ng karne baboy [ngayon]. Hindi rin po ninyo kami masisisi na mga vendor [na taasan din ang presyo] dahil kami po ay nag-aantay lang din ng mga baboy na galing pa sa iba’t ibang lugar dito sa ating Lalawigan ng Palawan,” ang paliwanag pa ni Gng. Limpahan sa biglaang pagbulusok ng presyo ng mga tinda nilang karne ng manok.