Supply ng paracetamol, paubos na sa lungsod ng Puerto Princesa

Supply ng Paracetamol, paubos na sa lungsod ng Puerto Princesa (Larawang kuha ni Hanna Camella Talabucon / Palawan Daily)

Paubos na umano ang supply ng gamot na Paracetamol gayundin ang iba pang gamot kontra trangkaso kagaya ng Decolgen, Biogesic at Bioflu sa lungsod ng Puerto Princesa ayon sa mga kilalang botika sa lungsod.

Sa pag-iikot ng Palawan Daily kahapon, ika-6 ng Enero, ipinaalam ng mga tindera at staff ng mga kilalang botika na pa-ubos na umano ang kanilang supply ng mga gamot na nabanggit.

Ayon kay Mark Marcelo, isang sales representative ng isang botika, hindi umano nila inaasahang magkakaubosan ang supply ng mga gamot kontra trangkaso at COVID-19 dahil ito raw ang pinaka-maraming gamot na kanilang sinusupply sa botika kada linggo.

“Hindi naman inexpect na mauubos agad. Kasi nagsimula ‘yung kalakasan ng bentahan noong Pasko, hanggang sa mag-bagong taon,” ani Marcelo.

Dagdag niya, marami rin daw umanong mamimili ang nagsasabing may sakit ang kanilang mga kamag-anak o kapamilya.

“Marami raw nagkakasakit. Baka kagaya na rin tayo sa Manila na biglaang taas ng kaso,” anya Marcelo.

Nang tanungin kung mayroon pa silang natitirang supply ng Paracetamol o mga gamot na pangontra trangkaso, sinabi nito na tanging Bioflu na lang ang natitira nilang supply at wala pa umano silang impormasyon kung kalian darating muli ang supply ng mga naubos na gamot.

Nang magtungo naman ang Palawan Daily sa isa pang botika at tanungin kung sila ay mayroon pang natitirang Paracetamol, sinabi ng sales attendant na si Nancy Mariano na ubos na ang kanilang Paracetamol maging ang branded na Biogesic, Decolgen at Bioflu.

Sinabi rin ni Mariano na mayroon na lamang sila ay ang generic na Phenomed, na siya namang kahalintulad ng Paracetamol.
“Wala na talaga. Sa ngayon ito na lang ang mayroon kami. Effective din naman ito kaya lang generic na ito ng Paracetamol,” ani Mariano.

Nang tanungin ng Palawan Daily kung ano ang dahilan ng biglaang pagkaubos ng mga gamot na nabanggit sa kanilang botika, sinabi ni Mariano na napansin niyang tila ay nagpa-panic buying na ang mga mamimili nito.

“Nitong mga nagdaang araw matapos lang ‘yung Pasko at New Year marami talaga kaming mamimili. Parang panic-buying na ‘yung mga tao, tapos maraming may sakit,” giit nito.

Pinangangambahan naman ng mga lokal na botika na matulad ang Puerto Princesa sa kritikal na sitwasyon ng lungsod ng Maynila kung saan nagpapaskil na ng kanya-kanyang karatula ang mga tindahan ng gamot upang sabihing ubos na ang kanilang supply.

Samantala, ayon sa live press briefing ng City Incident Management Team (CIMT) noong Miyerkules, Enero 5, pinahayag ng IMT Commander na si Dr. Dean Palanca na nasa lungsod na ng Puerto Princesa ang Omicron Variant kung kaya’t biglaang tumaas ang naitalang kaso ng sakit na COVID-19 sa lungsod matapos ang sunod-sunod na selebrasyon at pagtitipon kaugnay ng Pasko at bagong taon.

Pinaalalahanan din ni Palanca na papasok na sa ikatlong surge ang lungsod kung kaya’t pinapayuhan ang lahat na mag-doble ingat at umiwas sa mga kakilalang bakasyunista na umuwi noong nagdaang buwan ng Disyembre.

Exit mobile version