‘Traveler’s Bill of Rights, isinusulong sa lungsod ng Puerto Princesa

Contributed photo

Bilang lugar na dinarayo ng mga turista, lokal man o dayuhan, inihain ang isang panukalang resolusyon sa Sangguniang Panlungsod ng Puerto Princesa na nagsusulong na magkaroon ng ‘traveler’s bill of rights’.

“Mahalaga na pagkakaroon tayo nito [Bill of Rights] hindi lang sa Puerto Princesa kundi sa buong Pilipinas para proteksyonan ang karapatan ng mga bumabyahe at ng mga turista,” pahayag ni Konsehal Nesario Awat, siyang may akda ng resolusyon.

Ayon pa sa nilalaman ng resolusyon, kinakailangang matiyak ang mahusay na serbisyo ng mga tinutuluyan ng mga turista tulad ng mga hotel, inn, resort at mga restoran, gayundin sa transportasyon upang mapanatiling maganda ang imahe nito para sa mga bisita.

“Kung mangyayari lang ang mga yan, mapapangalagaan at lalo pang aangat ang turismo ng lungsod,” dagdag pa ni Awat.

Hangad din sa panukalang resolusyon na ma-proteksyonan ang mga turista at bumabyahe sa pagkuha ng ‘refund’ kung ang serbisyo ay hindi na-kompleto, o kahit ano mang uri ng paglabag sa kanilang mga karapatan.

Hinihikayat din sa resolusyon ang mga mambabatas sa kongreso na taga-Palawan na pag-aralan ito at mai-akda bilang batas.

Dagdag pa ni Awat, sakaling maging batas ang panukala, mahuhubog na ang kamalayan ng mga may-ari at nagpapatakbo ng mga establisyementong panturista at iba pang negosyong may kinalaman sa turismo patungkol sa kanilang mga responsibilidad. (LBD/PIAMIMAROPA-Palawan)

Exit mobile version