Ipapatupad na simula sa araw ng Lunes ang pagbawal ng mga tricycle sa national highway dito sa lungsod ng Puerto Princesa. Ayon kay City Information Officer Richard Ligad, pagkatapos ng pagpupulong ngayong araw ng mga presidente ng Tricycle Operators and Drivers’ Association (TODA) ay ipapaalam na sa mga miyembro nila ang kautusan, habang simula bukas ay information dissemination muna ang gagawin para sa ay Lunes sisimulan na ang pagbabawal sa mga tricycle na dumaan sa national highway.
“Mamaya pagkatapos ng meeting, bibigyan namin ng 1 day ipapaalam din ng mga presidente ng TODA. Ngayon sa amin simula bukas pagsasabihan na ang mga tricycle at wala munang hulihan, pero pagdating ng Monday ipapatupad na natin ang ordinansa,” ani Ligad.
Nilinaw naman ni Ligad na susundin ang nauna nang napagkasunduan at naipasa ng City Council na route plan sa lungsod kung saan may ilang mga kalsada sa lungsod na walang alternatibong kaya papayagang dumaan dito ang mga tricycle, habang may ilang kalsada sa national highway na papayagan din ang pagtawid ng mga tricycle.
“Actually binalik lang ito. ‘Yong una meron na tayong solusyon na route plan na kung saan ipinasa ng ating Sangguniang Panlungsod [na] may mga streets lamang kung saan sila pwede. Pag-uusapan ‘yan sa meeting ng mga presidente ng mga TODA, kasi may ibang kalsada na may mga alternate route naman dyan na pwede o talagang daanan, pero doon sa ibang highway na malalayo na walang alternate route eh hindi naman uubra yun,” paliwanag ni Ligad.
Binanggit din ng opisyal na bagama’t may ilan na ayaw sa kautusan na ito pero kailangan nilang sumunod lalo na at inatasan ang lahat ng lokal na pamahalaan na sundin ito bilang bahagi ng road clearing sa buong bansa.
“‘Yan na umutos na ang DILG so kailangan nating sumunod, na sa tingin naman natin eh mukhang maganda naman, yun nga lang magkakaroon ng limitasyon ang isang tricycle kung saan siya dadaan,” saad ni Ligad.