Umano’y IED na nakuha sa Pakistani, ini-examine ng otoridad; Dating kinakasama, mariing pinabulaanan na terorista ang dayuhan

Isasailalim sa eksaminasyon at pag-aaral ang dalawang Improvised Explosive Devices (IED) na nakuha mula sa isang Pakistani matapos mababaan ng search warrant kahapon din ng hapon.

Sa isinagawang press conference kaninang umaga, inihayag ni PMaj. Reginald Pagulayan, officer in charge ng Provincial EOD/K9 Unit-Palawan, na under investigation and examination pa ang component at chemical content ng nasabing mga natagpuang IED kaya wala pa silang eksaktong deskripsyon ukol dito.

“As of now po, hindi pa natin ito ma-determine [ang klase ng IED] dahil for technical examination pa po [ang mga iyon] and again, ‘yong explosive content for chemical examination pa po ng SOCO,” pahayag ni PMaj. Pagulayan.

Ang nabanggit na dalawang IEDs ay nakuha mula sa pag-iingat ng 29 taong gulang na si Haroon “Alex” Bashir na kasalukuyang residente ng Brgy. San Jose, Puerto Princesa City.

Matatandaang ipinatupad ang Search Warrant SWEJ No. 2020-12 laban sa suspek ng pinagsanib na pwersa ng CIU, CIDMU, EOD/K9 PECU Palawan, SWAT-CMFC, CIDG Palawan PFU at RID MIMAROPA dakong 1:40 pm kahapon kung saan nakitaan din ang dayuhan ng isang kalibre ng baril.

Nilinaw naman ni PMaj. Pagulayan na hindi pa nila pinasabog ang nasabing mga IED kundi nagsagawa lamang ng disruption dahil  sa nakita nilang posibilidad na sasabog iyon anumang oras.

“So, talagang nagka-conduct kami ng strict precautionary measures para walang madisgrasya sa atin. So, ‘yong ginawa natin kahapon na sabi nga pinasabog, ang ginawa po namin do’n is dinisrupt lang, di po talaga namin ‘ yon pinasabog. Ang process po ng disruption na ginawa namin ay para lang po ma-separate ‘yong kung sakaling bumigay ang circuit niya para mabuksan natin ‘yong laman ng IED,” ayon pa kay Pagulayan.

Naging limitado lamang din ang mga impormasyong inilabas ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) na kinatawan ni PLTCOL. Aristotle Castillo bilang OIC, City Government na kinatawan ni City Information Officer (CIO) Richard Ligad na siya ring head ng Anti-Crime Task Force at maging ng tanggapan ni PMaj. Pagulayan. Paliwanag nila, iyon ay sa kadahilanang nagpapatuloy pa ang isinasagawag imbestigasyon dahil sa dami ng natanggap nilang mga karagdagang impormasyon ukol sa suspek.

Ayon kay CIO Ligad, nagpatawag lamang sila ng isang press conference ukol sa pagkakaresto sa nasabing dayuhan mula Pakistan upang ipabatid ang mga impormasyon na pwedeng ilabas nang sa gayon ay hindi na magkaroon pa ng maraming espekulasyon ang publiko.

“Ito ho ay on-going pa rin ang investigation although kailangan lang namin maglabas ng initial [information] para alam ninyo ano ang nangyari, anong mayro’n….’Yong iba kasi ang sabi, bomba  ba ‘yan? Para saan ba ‘yan? Terorista ba ‘yan? Ang mga bagay na ‘yan hanggang sa ngayon ay hindi pa natin alam at patuloy pa ang ating imbestigasyon,” paliwanag pa ng tagapagsalita ng lungsod.

Wala pa ring naibigay na kasagutan ang mga kinauukulan gaya ng kung ano background ng  suspek, kung gaano na siya katagal na isinasailalim sa surveillance ng mga otoridad, kung overstaying na ba siya sa Pilipinas, at kung may iba pa bang sangkot sa isyu o kung mayroon siyang mga kasabwat sa paggawa ng IED.

Ngunit nilinaw naman ni PLTCOL. Castillo na kinukonsidera lamang nila ang naganap na ordinaryong paghuli sa lumabag sa batas.

“So far, ang treatment natin sa kanya is an ordinary violator ng batas. So, ‘yong threat na sinasabi n’yo po, wala pa kaming nakikitang potential threat talaga dito sa Puerto Princesa. That’s why, sinabi ko kanina na hindi kami makapunta sa masyadong detalyado doon sa validations na nakukuha namin and doon sa investigation na kina-conduct. Walang dapat ikatakot ang Puerto Princesa,” pagtitiyak niya.

Ayon pa sa kanya, kaugnay lamang sa paglabag sa RA 9516 na batas ukol sa explosives ang sinasabi nilang dahilan ng search warrant at  hindi  nila sinasabing may kaugnayan ang suspek sa anumang grupo na gaya ng igini-giit nila ay dahil sa nagpapatuloy na mga follow-up investigation.

PAHAYAG NG DATING KINAKASAMA NG PAKISTANI

Sa hiwalay na panayam ng Palawan Daily News ay mariing pinabulaanan ni Marielle Jaranilla ang mga akusasyon laban sa dati niyang kinakasamang Pakistani.

“Ang daming mga foreigner na tinulungan diyan ah [sa Lungsod ng Puerto Princesa], pero hindi ‘yan humingi ng tulong [mula] sa mga tao, [o] nagmakaawa. Nagtrabaho ‘yan, nag-construction worker, nagawa ng bomba—bomba na puso at hindi bomba na pasabog. Baka ‘yon ‘yong narinig ng tsimoso niyang kapitbahay o sinuman kaya sinumbong siyang ganon pero hindi totoo ‘yan!” giit ni Jaranilla.

Dagdag pa niya, paano umanong maiugnay sa paggawa ng pampasabog at terorismo si Bashir gayung wala na siyang halos pambili para sa kanyang pagkain.

“Di po ‘yan makakagawa [ng ganoon] dahil po walang finances; di nga mapakain ang sarili, gagawa pa ng pasabog?!” tanong pa niya. “Di siguro makabili ng wire ‘yan or ng pulbora. Now, may mga resibo ba ng mga panggawa?”

Ayon pa kay Jaranilla, pitong taon nang nasa bansa si Bashir na kung hindi umano niya padalhan ng pera ay hindi siya makakain nang maayos.

“One percent ng [mga] Katoliko sa Pakistan ay isa na s’ya. Now, naipit as Pinas kasi ang unang asawa n’yan iniwan s’ya with nothing,” dagdag pa niya.

“Concern ako sa kanya, tatay pa rin ng anak ko ‘yan. Di ako magpayag  na sasabihin nila [siyang] terorista [dahil] wala pang imbestigasyon at dahil Pakistani [siya] at na-relate sa Beirut, ][Lebanon bombing incident], instead tulungan,” aniya.

TUGON NG PULISYA

Sagot naman ng tagapagsalita ng PPCPO na si PCapt. Pearl Manyll Lamban-Marzo, karapatan ng sinuman ang maghayag ng kanilang saloobin ngunit ipinaliwanag niyang  matagal nang minamanmanan ang nasabing suspek. Aniya, nang makakuha ng sapat na ebidensiya ay kumuha ng search warrant ang pulisya mula sa korte at nang mai-serve ay nakita ang pakay na EID.

“Doon sa allegations ng kanyang kinakasama, siguro sa side nila ‘yon. Bibigyan naman ng pagkakataon ‘yan sila na sagutin ang allegations laban sa kanila sa korte. And then, ‘yong sinasabi niyang kini-connect sa terrorism, wala naman po kaming binabanggit na siya involve sa mga terorismo. Ang sabi namin, nahulihan siya, sa possession niya nitong explosives,” ang naunang naging paliwanag naman ni PLTCOL. Castillo sa press conference.

Samantala, nahaharap sa ngayon ang suspek sa mga paglabag sa RA 9516 o ang Illegal Possession of Explosives at RA 10591 o ang Illegal Possession of Firearms.

Exit mobile version