Vice Mayor Socrates, nalungkot dahil sa pagdawit sa kanya ng mga scammer

“Huwag maniniwala.” Ito ang mariing pahayag ni Bise Alkalde Nancy Socrates ng Pamahalaang Panlungsod kaugnay sa pagkakadawit sa kanilang pangalan ni Mayor Lucilo Bayron sa mga pakulo ng mga scammers ukol sa pagsasaayos ng mayor’s permit.

 

Anya, umiikot sa mga establisyemento ang mga scammer upang mag-alok ng tulong sa pagsasaayos ng mayor’s permit.

 

Ayon kay Socrates, walang karapatan ang kanilang departamento na maningil dahil mayroong nakatalagang tamang ahensya o opisina ng Business Permits and Licensing Office (BPLO) para dito.

 

“It sad because people na mayroon ganyan scam like that diba makikita talaga natin na pahirapan ng buhay because of that ang dami nilang naiisip na kung baga mga panluluko mga style ng panluluko its doesnt say will for our City dapat ma address din natin yan i think its really sana wala ng maniwala,” ani Socrates.

 

Hinihikayat nito ang mga mamamayan sa mga may-ari ng establisyemento na huwag maniniwala sa mga umiikot at binabanggit ang pangalan nila ni Bayron. Dagdag niya, marapat na maging maingat ang publiko at tingnan kung ang mga ito ay mula sa BPLO.

 

Dagdag pa ng Bise Alkalde, wala sa kanyang personalidad ang mang-harass ng tao upang magbayad ng buwis.

 

“Hindi naman personality ko yung ganun ako mismo mangha-harass ng tao magbayad na sila ng mga buwis nila labas naman kami doon sa legislative lang kami.”

 

Samantala nagpaalala naman ang opisina BPLO sa mga negosyanteng na mayroong nag-iikot ngayong mga fixer o scammer at ginagamit ang pangalan ng Alkalde at Bise Alkalde kaugnay sa validity ng mayor’s permit.

 

Walang inspektor o kawani ng pamahalaan ang pinahihintulutang magsagawa ng anomang transaksiyon kaugnay sa pagsasaayos ng permit.

 

Anya, nag-aalok umano ang ilan sa mga scammers na gumagawa ng kalokoan na sila na ang bahalang mag-proseso ng mga permit at nanghihingi ng P15,000 kapalit ng serbisyo.

 

Ayon pa sa BPLO, agad na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan o tumawag sa kanila para sa agarang tugon.

Exit mobile version