Bilang isang Kristiyano, nakita ko ang isa sa mga dahilan kung bakit nababatikos minsan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang alagad ng Simbahang Katoliko. Madalas may punto ang pangulo.
Noong Sabado, naging saksi mismo ako sa kung paano maituturing na pagtataboy sa mga Romano Katoliko na lumipat sa ibang religion ang ginawa ng isang Katekista sa isang simbahan sa San Pedro, Laguna.
Mayroong “young couple” na nagpabinyag sa nasabing simbahan; 20 anyos ang babae habang 22 anyos ang lalaki.
Kasama sa requirements ng Simbahang Katoliko ang pagse-seminar ng mga magulang ng magpapabinyag gayundin ang mga ninong at ninang bago simulan ang Sakramento ng Pagbibinyag.
Ang Katekista sa nasabing simbahan ay puro pagmamaliit sa “young couple” ang binanggit sa seminar. Bahagi nito ang pagsasabing wala nang magiging magandang “future” o kinabukasan ang mag-asawa dahil sa pag-aasawa nila ng maaga.
My Gad! I hate drugs! Anong karapatan mong sabihin na wala nang magiging magandang buhay ang mga nag-aasawa ng maaga. Hindi ko po ini-encourage o hinihikayat ang mga kabataan na tularan ang mga nag-aasawa ng maaga , pero ang husgahan mo ang mga batang nag-aasawa ng maaga ay maling-mali.
Dahil sa pag-down at pamamahiya nitong Katekista sa “young couple” sa harap ng mga ninong at ninang, nagdulot po ito ng depression sa mag-asawa.
Hindi po ba dapat ang “preacher” ay nagbibigay ng inspirasyon lalo na sa mga kabataan o maging sa mga adult, sa halip na maging sanhi sila ng depression? Nalulungkot po ako sa mga ganitong senaryo dahil batid kong nagdudulot ito ng psychological effect lalo na sa mga bata o sa “young couple” na nagsisimula pa lang na bumuo ng sariling pamilya.
Naniniwala po ako na hindi natin kailangan na maging bihasa sa psychology para magkaroon tayo ng common sense.
Ang ganitong gawain ay nagtataboy po sa mga Katoliko na umalis sa Roman Catholic religion at lumipat sa ibang relihiyon.
Sa nasabing pangyayari rin napagtanto ko kung bakit nagagalit ang Pangulong Duterte sa ilang alagad ng simbahan na nagtuturo ng mali sa mga parishoners.
Ang insidente pong ito ay nakarating na rin sa parish priest ng simbahan at nangako ito na patitigilin na niya ang Katekista sa pagse-seminar sa mga binyag at maging sa pagtuturo ng Katesismo sa mga paaralan.
Makailang ulit din na humingi ng paumahin ang kura-paruko sa pamilya ng “young couple” lalo na’t nagdulot ng depression sa “batang mag-asawa.”
Isinulat ko po itong article na ito para magsilbing “eye opener” sa sino mang preacher na dapat ay nagbibigay ng pabaon na inspirasyon sa mga mananampalataya pag-uwi nila ng tahanan sa halip na magtaboy sa kanila na lumayo sa Dakilang Maylikha ng sanlibutan.