COLUMN: Bakit May Mga Tao?

Ang mundo ay binubuo ng iba’t ibang kulay ng parte nito. Kung titingnan sa malayo ay tiyak na hindi mo basta malalaman kung anong kulay nga ba ang pumaparoon at pumaparito. Sa magkakabilang panig ay may magkakaiba rin na katha. Likas sa mundong ito ang pagkakaiba at pagkakapareho ngunit namutawi na rin ba sa iyong isipan na mas marami ang gusto ng pagkakaiba kahit ang totoo, tayo ay iisa lamang.

Bakit ba may mga taong hindi marunong tumanggap? Hindi marunong tumanggap sa kung ano sila. Yung mga taong pipiliin ang mas nakaaangat kahit na ang totoo, iyon ay pagiging kalabisan lamang. Dala ng matinding kagustuhan ay ganoon nila gustong ipakita sa ibang mata na kung tutuusin kabaliktaran ito ng totoo nilang imahe. Bukod sa matinding kagustuhan, ay ang isipin sa kung ano ang lalabas sa bibig ng kanilang kapwa pagkatapos silang pagmasdan. Mahirap nga ba na maging masaya? Yung totoong saya na hindi mo na kinakailangang magsuot ng maskara at makukulay na palamuti ngunit tanging ang nakabibighaning ngiti lamang.

Bakit may mga taong takot maputikan ang paa? Hindi naman lingid sa ating kaalaman na tanging lupa ang tinatapakan natin dito sa mundo. Yung kahit isang butil lamang ng alikabok ay pilit nilang itataboy dahil sa dalang patay na mikrobyo. Yung mga taong takot iabot ang kamay sa mga taong nangangailangan dahil lamang sa distansya ng antas ng buhay nila. Kung nasa gitna ka ng sitwasyon na ikaw ang inatasan na magmasid at humusga, hindi lamang ang magiging kapintasan ang iiral kundi maging ang iyong damdamin. Nakakapanibugho na may mga taong takot maranasan ang kahirapan ng kanilang kapwa at kahit mismo katiting na awa at ilang sentimo ay mas pinili nilang ipagkait dahil lamang sa takot na iyon at maging ang pandidiri kapag sila ay tumingin.

Bakit may mga taong pilit binabago ang tono ng pananalita? Yung mga taong lubos na nagpapanggap sa pamamagitan ng pagbigkas. Kahit na ipihit pa nila ang kanilang dila ay hindi pa rin umaayon sa tunay nilang itsura. Hindi naman masama o mali na aralin at unti-unting matutunan ang salita ng iba ngunit bakit mas pinipili nilang yumakap sa ibang tono ng daigdig at iwan ang lugar kung nasaan sila nakatuntong. Nakakapagtaka na lamang minsan na ang batang kasama mo lumaki at iisa lang ang bukambibig, ngayon ay kukunot na lamang ang noo mo sa tuwing makikinig ka sa kakaibang diin nito kasabay ang pagbabago ng ekspresyon ng mukha.

Bakit kaya may mga taong hindi magawang tumanggap sa kulay nila? Yung mga taong kahit gaano pa kadaming salapi ang itapon ay hindi magawang makuntento sa sarili nilang balat. Yung mga taong ang tanging nakatanim lamang sa isip ay ang kulay na tila hilaw. Yung mga morenang may tamang pagkakaluto ng balat ay ninananis pang sangkapan ng kung ano-anong alipores. Kung kayo rin ay magbubulay-bulay sa mga taong nasa paligid niyo, marahil isa na nga ito sa mga implikasyon ng walang hanggang pagbabago maging sa sariling pisikal na kaanyuan. Ang mga dukha, iniisip  kung paano makakahanap ng perang gagastusin upang maitawid lamang ang gutom sa buong maghapon o makabili ng sapin sa paa, kahit man lang isang beses sa isang taon o di kaya’y pag sirang-sira na ang tsinelas na kinalumaan. Sa mga may kaya naman ay tila wala na silang mapaglagyan ng kanilang datong kung kaya’t mas pinipili na lamang gamitin para sa pagpapaganda at pagpapadagdag ng laman sa iilang parte ng katawan. Yung ang mga taong walang kakayanan ay iisiping wala sa tamang pag-iisip ang mga taong iyon ngunit sa sariling opinyon ng iilang madatong ay pinaghirapan naman nila at ninanamnam lahat ng kanilang paghihirap. Ngunit naniniwala ako na kung napakalaking biyaya ang natanggap mo, nararapat lamang naibahagi mo ang mga umaapaw na biyaya at maging instrumento sa pagpapakita ng kahalagahan ng pagbibigay sa kapwa.

Bukod pa rito, bakit kaya may mga taong nilamon na ng sistema ng  kabilang panig ng mundo? Yung mga taong labis na nagpupugay sa gawa at disenyo ng ibang tao at magtataka kung bakit hindi umuunlad ang bansa nila? Yung mga taong ultimo pananamit, kulay ng labi at pisnge, pananalita pati paggalaw ay hindi na rin sinanto. Ginaya na ang lahat hanggang sa dumating na sa puntong para bang hindi na nila kilala ang sarili nila. Bilang Pilipino, nakakalungkot na hindi na natin maggawang ipagmalaki ang mga kagamitan o kasuotan na gawa mismo ng ating kapwa-Pilipino. Mas nakangiti pa nating isinusuot yaong mga kapirasong damit na halos maging hubad na sa paningin ng nakararami. Kung gagawin nating ikumpara ang anyo ng mga kababaihan noon sa kasalukuyan, tila ba sila dinaanan ng malakas na ihip ng hangin na walang tigil sa mahabang panahon at nilipad ang mga parte kung saan parang hindi na nila kailangan pa. Kung tayo ay matinong nilalang ang magmamasid, nakakapagpabagabag na alipin nga ang tingin ng ibang lahi sa atin.

Bakit kaya may mga taong masyadong nakikiliti ang talampakan sa tuwing nakakapanuod ng mga kalalakihang singkit? “KDrama”, maging ang mga di-maintindihang tikas at galaw ng mga ito ay nakabibinging pinagtitilian. Kung sa bagay, mahirap nga naman pigilan ang nararamdaman sa taong iyong hinahangaan. Ngunit kung susubukan mo na tumingin sa iyong sarili, alam mo ba na parang wala ka na sa totoo mong mundo? Alam mo ba na unti-unti nang nababalot ang pagkatao mo ng mga bagay na nakikita mo lamang? Alam mo ba na ang mga bumibighani sa iyo ngayon  ay hinding-hindi makakatulong sa totoo mong buhay o kung saang lupa man ang kinatatayuan mo sa ngayon? Sana subukan mo rin isipin na kung mas magsisikap ka sa mga bagay na siyang mas makatutulong sayo, ay higit pa sa kasiyahan kapag tumitingin ka sa mga taong mukhang puting anino, ang makakamtan mo.

Bakit kaya may mga taong palagi na lamang sumasalungat sa kagustuhan ng nakararami? Yung mga taong palagi na lamang taliwas ang pagsang-ayon sa napagkasunduan at kung ano ang mas makabubuti. Yung mga taong sumisigaw sa gitna ng daan dala ang iba’t ibang kulay ng karatula. Yung mga taong ipinagpipilitan ang sariling kagustuhan kahit na magmukha nang tanga. Yung mga taong labis kung husgahan ang kinauukulan kahit na hindi naman inaalam ang tunay na sitwasyon. Yung mga taong halos gusto na lamang iasa ang sarili sa tulong at programa ng gobyerno at hindi na lamang magsumikap at magtrabaho. Sa dinami-rami ng problema dito sa mundo, sa tingin ko sila mismo ang mas nagpapagulo.

Bakit kaya may mga taong magaling manligaw sa mga tao? At kapag nakaupo na sa inaasam na posisyon ay tila mga patapong bagay na lamang ang tingin sa mga taong minsan sila ay pinagkatiwalaan? Yung mga taong tila nabulag na ng makapal na salapi na kung pagmamasdan ay nakapanghihikayat na angkinin. Yung mga taong harap-harapang pinagnanakawan ang kaban ng bayan dahil lamang sa sariling kagustuhan. Yung mga taong hindi na gugustuhin pang lumingon pa sa kakulangan sa lipunan kundi itinutuon ang isip sa sarili lamang kapakinabangan. Kaya pala parang nakalalaglag-balikat na kahit anong pagsisikap ng mga tao, tila napakahirap pa din kumilos at tumanggap sa lahat ng nakapaninibughong pangyayari sa paligid.

Bakit kaya may mga taong hinahayaang mabahiran ang kamay ng dugo? Yung mga taong dahil sa matinding pangangailangan ay mas pinipiling pumatay  ng kapwa kapalit ng umaagos na salapi pag napasakamay na nila. Yung mga taong tila natunaw na ang konsensya sa tuwing kumikitil ng buhay ng isang tao. Yung mga taong nababanggit na siyang kumikitil ng isang walang kalaban-laban ay siya rin palang alagad ng batas na pinagkatiwalaan. Yung mga taong tila nakasalalay sa pagpatay ang matatanggap na salapi at katungkulan sa kinabibilangang sangay ng pamahalaan. Yung mga taong pumapatay dahil sa pagkalulong sa bawal na gamot. Yung mga taong nagiging iba ang tingin sa kapwa dahil ang kanilang isip ay binalot na ng demonyong sila lamang ang nakakakita. Yung mga taong parang hindi na tao kung umasta dahil sa pagiging biktima ng sariling kauhawan.

Bakit kaya may mga taong labis kung manghusga? Yung mga taong hindi pipiliing unawain ang kapwa kundi pairalin lamang ang nakikitang kamalian at puspusin ng tukso at pambabato sa pamamagitan ng kanilang mga masasakit na salita. Yung mga taong hindi maggawang tumanggap ng pag-unlad ng kapwa at ipagpipilitan ang kahinaan at kapintasan nito. Yung mga taong pilit na nanghihila pababa para lamang manatiling pareho ang antas ng kanilang mga buhay. Yung mga taong hindi nag-iisip na habang ginagawa nila iyon ay sila rin mismo ang nagkakasala at mas naaapektuhan sa kanilang ginagawa.

Bakit kaya may mga taong hindi marunong tumanggap ng sariling kamalian? Yung mga taong buo ang loob sa paniniwalang sila ang palaging tama at walang sinuman ang makaaangat sa kanila. Yung mga taong palaging sinasabi sa sarili at sa iba na sila ang pinakamagaling sa kahit anong larangan kung kaya’t sila lamang ang dapat na pinagkakatiwalaan. Yung mga taong mas ginagawa pang sinungaling ang kapwa para lamang pagtakpan ang sarili nilang kasalanan. Yung mga taong masyadong mataas ang tingin sa sarili at walang pakialam kahit na nasasaktan na yung mga taong sa totoo lang ay malaki ang potensyal at kakayahan.

Gayunpaman, ang lahat ng ito ay opinion at mga katanungan ko lamang base sa nakikita ko sa paligid ko. Maraming pagkakataon na pilit akong binabagabag ng nakapanghihikayat na pakikialam at kuryusidad sa mga bagay na ito. Marahil ginawa ng Diyos ang pagkakaiba, dahil ang bawat isa ay may kanya-kanyang dahilan kung bakit naririto sila sa mundo. Marahil lahat ng bagay dito sa mundo ay ginawa upang subukin tayo sa pagharap sa mga salungat at magkakaibang kulay at matutunan ang pinakalayunin natin bilang mga indibiduwal.

Exit mobile version