Matatag na DepEd pagkatapos ng hagupit ni Odette

Disyembre 17, 2021 – huling araw na sana sa pagpasok sa eskwela bago ang Christmas break. Ngunit umaga ng Biyernes bago mag-landfall ang Bagyong Odette ay nagsuspinde na ng klase ang buong Dibisyon ng Puerto Princesa at Palawan kung kaya’t nanatili sa loob ng bahay ang mga guro at kawani. Naudlot ang masayang Christmas party at napalitan ng pag-aalala hindi lamang para sa pamilya kundi maging para sa minamahal na paaralan.

Bandang alas tres ng hapon ng araw na iyon ng sumipot ang mata ng bagyo sa Roxas, Palawan. Pagkaraan noon ay nagtuloy-tuloy na hanggang sa magdilim ang pagbayo ng malakas na hangin at mabigat na ulan lalo na sa bandang Norte ng lalawigan at kabisera ng Puerto Princesa.

Kinabukasan, Disyembre 18 ay tumambad ang mga dinaanang pinsala ni Odette na sinabayan pa ng pagkawala ng kuryente, linya ng komunikasyon at tubig na hanggang sa kasalukuyan ay mayroon pa ring mga di naibabalik na mga linya sa ilang bahagi ng lungsod at lalawigan.

Sa mga ari-ariang winasak sa buong Palawan ay hindi nakaligtas ang mga paaralan ng DepEd.

Ayon kay G. Joseph Pinos, punong-guro ng Bahile Elementary School, 13 sa 15 guro sa kanilang paaralan ay lubhang naapektuhan ng bagsik ni Odette bukod pa ang mga sira na iniwan sa kanilang paaralan. Sa mga larawang kanyang ibinahagi sa Facebook ay makikita ang mga gusaling wala ng bubong, mga learning materials na tila di na mapakikinabangan, at mga natumbang puno na nagpabagsak sa mga pader ng silid-aralan.

Aniya, tila di niya alam ang uunahin pagkatapos ng sakuna kung pamilya ba o paaralan? Ngunit matimbang ang tawag ng tungkulin, at naniniwala siyang may pag-asa pa para sa lahat ng biktima ng bagyo kabilang ang mahal niyang paaralang pinaglilingkuran.

Sa isang Facebook post naman ni Dr. Loida P. Adornado, Schools Division Superintendent ng Dibisyon ng Puerto Princesa City ay nakapanlulumo ang mga sirang iniwan ng Bagyong Odette lalo na sa mga paaralan. Maraming kagamitan tulad ng kompyuter at laptop ang maaaring hindi na mapakinabangan sa muling pagbubukas ng mga paaralan sa Enero. Ngunit bukod sa panlulumo ay hinahangaan niya ang katatagan ng mga guro, magulang, at mag-aaral na unti-unting bumabangon sa pamamagitan ng sama-samang pagtutulungan ng LGU, pribadong indibidwal, at SDO personnel upang muling maibalik ang mga nawala at nasira.

Kung tutuusin, marami pang paaralan sa Lungsod at buong Lalawigan ang winasak ng nagdaang bagyo at panigurado na ito ay mayroong epekto sa sitwasyon ng edukasyon. Ang mga linggong ito sana ay nakalaan sa pagbabakasyon ng mga guro sa pagdiriwang ng pasko ngunit marami sa kanila ay bumalik sa kanilang paaralan upang sagipin ang ilang mga gamit, maglinis ng paligid, at makipag-ugnayan sa mga stakeholders para sa mga plano ng muling pagbangon.

Kahit pa apektado ang maraming paaralan at guro sa DepEd ay nagsilbi pa rin silang mga bayani sa panahong ito. Sa katunayan ay isa sila sa mga naunang nagresponde sa mga kababayan sa Bgy. Bancao-Bancao sa Lungsod ng Puerto Princesa.

Sa pangunguna ni Punong-guro Percival De Guzman, ay nakapagbahagi sila ng pagkain mga residenteng lumikas sa kanilang paaralan.

Sa kasalukuyan ay may kani-kaniyang inisyatibo ang bawat opisina, organisasyon, at paaralan ang buong DepEd upang makaagapay sa mabilis na pagbangon ng mga apektadong mag-aaral, guro, at mga paaralan. Dito mapatutunayan na sa mga sitwasyong kagaya nito, ang DepEd ay hindi lamang isang ahensyang tagapaghatid ng karunungan, bagkus, isa ring ahensya kung saan ang pagtulong sa kapwa ay isang birtud na itinanim at ngayon ay naipamamalas sa pamamagitan ng kawanggawa.

Katulad ng paboritong kataga ng lahat ng kaguruan, “Para sa Bata at sa Bayan”, hanggang sa gitna ng sakuna, ang DepEd ay patuloy na magseserbisyo anuman ang hamon ang kaharapin.

Exit mobile version