Siya na may Tenga at Mata

Ikaw, ako, tayo kinakailangan natin ang ibang tao. Nilikha tayo para sa isat-isa at hindi para mag-isa. Sabi nga ng mga nag-aral at nagpakadalubhasa, mula noong panahon ni Aristotle hanggang kay Confucius at usapin ng mga psychologist at sociologist ngayon, na tayong mga tao ay social beings. Ika nga ni John Donne, isang English poet, “no man is an island.” Bahagi tayo ng isang komunidad. Ngunit ano ang ating magagawa kung hindi ramdam ng iba ang kabigatang ating pasan at dala? Sino ang makatutulong at kanino tayo hihingi ng saklolo kung ang bawat isa sa nilapitan natin may sariling dinadala rin?

Noong narito si Jesu-Cristo sa mundo may isang pagkakataon na naranasan ni Pedro ang marahil pinagdaanan, pinagdaraanan at pagdaraanan mo. Magandang matutunan at makunan natin ng leksyon ang pinagdaanan niya para kapag humarap tayo sa parehas na pagkakataon hindi tayo lapain ng hangin at alon. Makikita ang buong istorya sa Mateo 14:25-33. “Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Pagkakita ng mga tagasunod na may naglalakad sa tubig, kinilabutan sila. At napasigaw sila ng “Multo!” dahil sa matinding takot. Pero agad na nagsalita si Jesus, “Ako ito! Huwag kayong matakot. Lakasan ninyo ang inyong loob.” Sumagot si Pedro sa kanya, “Panginoon, kung kayo nga iyan, papuntahin nʼyo ako riyan na naglalakad din sa tubig.” “Halika,” sabi ni Jesus. Kaya bumaba si Pedro sa bangka at naglakad sa tubig patungo kay Jesus. Pero nang mapansin niyang malakas ang hangin, natakot siya at unti-unting lumubog. Kaya sumigaw siya, “Panginoon, iligtas nʼyo ako!” Agad naman siyang inabot ni Jesus at sinabi, “Kay liit ng pananampalataya mo. Bakit ka nag-alinlangan?” Pagkasakay nilang dalawa sa bangka, biglang tumigil ang malakas na hangin.” (Mateo 14:25-32 ASND)

Noong naglakad si Pedro sa tubig alam niya na kasama niya si Jesus. Si Jesus nga ang tumawag sa kanya. Pero nang napansin niya ang hangin na marahil may dalang alon, nabaling ang kanyang atensyon sa Dios at naituon ito sa kanyang lumulubog na sitwasyon. Sa mga oras na ganito ang ating nararamdaman na parang nilalapa tayo ng problemang hinaharap, ating balikan ang mga pangakong iniwan satin ng Dios. Ito ang ating panghawakan. Mga pangakong tulad ng Jeremiah 29:11, Hebrews 13:5, Jeremiah 33:3 at marami pa. Ang biblya ay puno ng mga pangako.

Pero kung ang pakiramdam pa rin natin ay nanlulumo at ang puso ay sadyang nagdurugo. Ito ang panghawakan mo – dito mo ituon ang atensyon mo. Sa mga pangakong Ito mo itayo ang mga paa mong nanghihina at ituon ang iyong pusong nanlulupaypay. “Mga mata ni Yahweh, sa mat’wid nakatuon, sa kanilang pagdaing, lagi siyang tumutugon. Sa mga masasama, siya’y tumatalikod, at sa alaala, sila’y mawawala. Agad dinirinig daing ng matuwid; inililigtas sila sa mga panganib. Tinutulungan niya, mga nagdurusa at di binibigo ang walang pag-asa.” (Mga Awit 34:15-18 MBB05)

Exit mobile version