Nabalahaw sa gilid ng runway ng Cuyo Airport sa Barangay Lucbuan, Magsaysay, Palawan, ang isang chartered aircraft kahapon ng umaga, Agosto 29, bandang alas-otso.
Ayon sa ibinahaging impormasyon at larawan ng Bureau of Fire Protection (BFP) Mimaropa Magsaysay Fire Station sa kanilang opisyal na social media account, papalipad na sana ang eroplano nang lumubog ang likurang kaliwang gulong nito sa malambot na lupa sa gilid ng runway.

Matapos makatanggap ng tawag mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP)–Cuyo kaugnay sa insidente, agad na isinagawa ng mga tauhan ng BFP ang “coordinated towing operation” gamit ang fire truck at lubid upang maialis sa pagkakalubog ang isang gulong nito.