MARINA-Palawan, naglabas ng ‘pabatid’ ukol sa nakatakdang pagsasanay ng eroplano ng Philippine Air Force sa June 25

Nagpaabiso sa publiko ang Maritime Industry Authority (MARINA)-Palawan ukol sa magaganap na pagsasanay at pagsubok sa eroplanong pandigma ng Tactical Operations Wing (TOW)-West ng Philippine Air Force (PAF) sa darating na Hunyo 25, araw ng Huwebes

Batay sa “Pabatid sa Publiko” ng nasabing ahensiya na ibinahagi sa media ng Provincial Information Office (PIO) kamakailan, isasagawa ng Hukbong Panghimpapawid ng Pilipinas ang nasabing aktibidad sa bahaging timog-silangan (south east) ng Puerto Princesa City o humigit-kumulang 20 milya ang layo, silangan ng Munisipyo ng Aborlan, Palawan.

Kaya binabalaan ng tanggapan ang mga may-ari, kapitan at tripulante ng bangka o lantsang pangisda, pampasahero o pang-karga na “huwag pumalaot o dumaan sa nasabing lugar mula 6 ng umaga hanggang 3 ng hapon.”

Kinumpirma naman ito ng liham ni PAF Wing Commander Gerry Felizardo Soliven na naka-address kay Gov. Jose Alvarez na may petsang Hunyo 7 na humihingi ng suporta sa tanggapan ng Gobernador na maipaabot sa publiko ang plano nilang pagsasagawa ng training exercise upang masubukan at ma-evaluate ang surface strike capability ng FA-50PH “Fighting Eagle” at mapaganda pa ang interoperability nito sa ibang panghimpapawid at pangdagat na asset ng militar.

Kaya hiling din ng TOW-WEST sa mga concerned sector na ikansela muna ang anumang aktibidad Southeast sea water ng Puerto Princesa sa nabanggit na petsa at oras sa susunod na linggo.

Exit mobile version