Sa pagbubukas ng klase ngayong ika-22 ng Agosto, dalawang kawani ng Philippine Coast Guard (PCG) ang tutungo at tutulong sa pagtuturo sa mga kabataang mag-aaral ng Pag-asa Island.
Sila ay sina Ensign JEV LATIC, 27 taong gulang, at Ensign ARNEL GOMORA, 24, na mga lisensyadong guro na nakatalaga sa PCG Station Kalayaan.
Ayon kay Commodore Rommel Supangan, Commander ng PCG District Palawan, nag-iisa lang ang guro sa Isla na humahawak sa lahat ng mga kabataang mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 6.
“Nakita natin yung pangangailangan ng karagdagang guro sa Isla. Dito nga sa mainland, damang-dama natin yung pinagdadaanang hirap ng mga guro para sa pagbubukas ng klase, papaano pa kaya sa Isla na si Teacher Realyn Limbo lang ang nag-aasikaso ng lahat,” ani Commodore Supangan.
“Kaya nakipag-ugnayan tayo kay Mayor Roberto Del Mundo ng Kalayaan, Palawan para makatulong sa pangangailangan ng paaralan, ni Teacher Realyn, at ng mga estudyante.”
Sina Ensigns Latic at Gomora ay parehong nagtapos sa kursong Bachelor of Science in Elementary Education at ngayon ay nagsisilbi bilang Station Commander (Latic) at Deputy Station Commander (Gomora) ng PCG Station Kalayaan.
Noong ika-17 ng Agosto 2022, pinangunahan nina National Security Adviser, Dr. Clarita Carlos at Auxiliary Commodore Sara Soliven-De Guzman ng PCG Auxiliary (PCGA) Executive Squadron ang paglulunsad ng “PCG-OB COMMUNITY CENTER” sa Pag-asa Island.
Layon ng inisiyatibong ito ang palawakin ang kaalaman ng mga kabataan at hikayatin sila na makibahagi sa pangangalaga sa likas na yaman ng Isla.
Sa tulong ng Operation Brotherhood (OB) Community Foundation Inc., itinayo ang PCG-OB Community Center na puno ng samu’t-saring learning materials at iba pang mga kagamitan para makatulong sa edukasyon ng mga kabataan.
“Simula palang ito. Marami pa tayong gagawin para mapagbuti ang pag-aaral ng mga kabataan sa Isla. Sa tulong ng PCG Auxiliary, magagawa natin lahat ito,” pagbabahagi ni Commodore Supangan.
“Kahit malayo, kahit mahirap, patuloy tayong makikiisa sa pagbibigay ng kapaki-pakinabang na edukasyon sa mga kabataan ng Pag-asa Island dahil naniniwala tayo na malaking bagay ang edukasyon sa pagkakaroon ng magandang kinabukasan,” pagtatapos niya.