Balyenang na-stranded sa Brgy. Tanabag, agad na nailigtas at naibalik sa karagatan

Isang Melon-Headed Whale (π˜—π˜¦π˜±π˜°π˜―π˜°π˜€π˜¦π˜±π˜©π˜’π˜­π˜’ 𝘦𝘭𝘦𝘀𝘡𝘳𝘒) na may habang 1.5 metro at bigat na humigit-kumulang 60 kilo ang nailigtas kamakailan ng mga concerned citizen ng Brgy. Tanabag sa norteng bahagi ng Lungsod ng Puerto Princesa.

Sa post ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) kahapon, nakasaad na sa pagtatanong ng Wildlife Traffic Monitoring Officers sa Fish Warden ng Brgy. Tanabag Sanctuary na si Ricardo Salgado, binanggit niyang noong Agosto 3Β  ay nakita ng isang mangingisdaΒ  ang nasabing balyena na na-stranded malapit sa boya ng fish sanctuary ng kanilang barangay. At bilang tugon ay agad itong ipinabatid ni Salgado sa kaalaman ng PCSD Staff.

Matapos ma-rescue, dakong 3 pm ay nakita ang nasabing hayop sa baybayin ng Tanabag at nang pagsapit ng 6:30 pm ay dahan-dahan na itong bumalik sa mas malalim na parte ng karagatan. Ang panunumbalik sa lakas ng nasabing hayop at pagkakabalik nito sa natural na tirahan ay sa pamamagitan umano ng effort nina Kgd. Luningning Zambrano at Kgd. Wilma Yara.

Batay pa sa nakapaskil na impormasyon, tiniyak din ng mga nag-rescue sa ansabing hayop na maprotektahan ito mula sa ilang residente ng Brgy. San Rafael na nais umanong kunin ang karne nito.

Sa kasalukuyan ay nakalista bilang β€œLeast Concern” sa IUCN Red List ang nasabing uri ng balyena.

Samantala, muli namang nananawagan ang PCSD Staff sa mga Palawenyo na kung makatagpo man o makakita ng mga buhay-ilang sa kanilang bisinidad ay agad itong ipagbigay-alam sa kanilang tanggapan.

Exit mobile version