DPWH District 1 ng Palawan, abala sa rehabilitasyon ng mga naapektuhan ng bagyong “Paeng”

Photo Credits to DPWH District 1

Puspusan ngayon ang isinasagawang pagkalap ng mga datos at ang pagkumpuni ng ibat ibang imprasktura sa buong lalawigan, partikular sa bahagi ng DPWH District 1 na sumasakop sa bahaging norte ng Palawan, kaugnay sa mga lugar na naapektuhan ng nakalipas na bagyong “Paeng”.

 

Sa nakalap na datos ng Palawan Daily mula sa DPWH Palawan 1st District Engineering Office na pinamumunuan ni District Engineer Rommel P. Aguirre, umaabot sa humigit kumulang P40-45 million ang kakailanganing pondo para sa pagsasaayos at rehabilitasyon ng mga nasirang bahagi ng tulay, kalsada at iba pang imprastraktura.

 

Ilan sa mga naapektuhan ay ang Barangay New Ibajay ng El Nido, Barangay Paglaum ng Bayan ng Taytay, kasama na ang Poblacion road, Roxas Diversion road at maraming bahagi ng Puerto Princesa North Road, samantalang sa sa mga bayan ng Busuanga at Coron ay pawang mga natumbang puno lamang na mabilisang nilinis ng mga tauhan ng DPWH.

 

Bagama’t sa mga nabanggit na kalsada ay nakakadaan pa ang lahat ng uri ng sasakyan, mahigpit pa rin ang paalala sa mga biyahero na mag-ingat sa pagmamaneho, lalo na sa mga kalsadang mayroon nang bitak at mga gumuhong lupa.

 

Patuloy naman ang assessment ng DPWH 1st DEO sa mga apektadong tulay katulad ng Balite Bridge sa Paglaum, Taytay, Palawan, partikular ang parteng slope protection sa bahaging abutment na naapektuhan ng nakalipas na bagyo.

 

Nauna nang naglagay ng mga warning devices ang naturang ahensiya upang bigyang babala ang lahat ng mga commuters sa lugar.

 

Kasabay din ito ng ipinahayag na panawagan ni Senate Committee on Public Works Chairman Sen. Ramon Bong Revilla Jr. sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na bilisan ang pagsasaayos at konstruksiyon ng mga tulay at iba pang inprastraktura na winasak ng Bagyong Paeng.

 

“No time should be spared in rebuilding. Bawat araw na lumilipas na hindi ayos ang mga tulay na ito ay napeperwisyo ang buhay at kabuhayan ng napakarami nating mga kababayan,” ayon kay Sen. Revilla.

 

Sa ipinadalang sulat ni Revilla kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, ang mga nabanggit na nasirang tulay ay kailangang magawan ng paraan na maisaayos sa lalong madaling panahon dahil pangunahin itong pangangailangan ng mga residente sa naturang mga lugar.

 

“Kaya kailangan malagyan ng pondo ang DPWH specifically for this purpose,” saad ni Revilla.

 

Ginawa ring halimbawa ni Revilla ang bansang Japan pagdating sa mabilis na pagsasayos ng mga nasirang inprastraktura at hinihikayat ng Senador na tularan ito ng DPWH.

 

Tiniyak naman ni Revilla na personal niyang tututukan ang Senate Committee on Finance na ang kakailanganing pondo ng DPWH ay maisama sa 2023 national budget at hindi maaapektuhan ang DPWH Quick Response Fund (QRF) na may iba silang pinaggagamitan.

 

Hiniling din ni Revilla kay Bonoan na agad isumite ang report sa Komite hinggil sa kabuuang pinsala ng mga pampublikong inprastraktura, kabilang na ang mga dike, mga tatabunan at iba pang flood control infrastructure upang maihanda ang kaukulang pondo at mapabilis ang pagsasakatuparan nito.

Exit mobile version