Nagtipon ang isang grupo ng mga kabataan na tinatawag na Young Environmental Advocates Hub kahapon sa Freedom Park dito sa Lungsod ng Puerto Princesa.
Ito umano ay bilang pakikiisa sa Global Climate Strike kung saan mahigit 5,225 na kahalintulad na gawain ang ginanap rin sa 156 na bansa para maging bahagi ng tinatawag na #FridaysForFuture, isang international youth-led movement para magpalaganap ng intergenerational awareness at kumbinsihin ang pamahalaan na gumawa ng mga hakbang para solusyunan ang climate crisis na nararanasan ngayon.
Sa pagtitipon na may temang “Conservation Conversation,” isa sa mga naging keynote speaker ay si Lorei Cagatulla ng Palawan NGO Network Inc. kung saan binatikos niya ang mga proyekto ng pamahalaang panlalawigan na wala umanong mga kaukulang permit at pawang nakakasira sa mayabong na kagubatan ng islang kilala bilang last environmental frontier sa bansa.
Ayon kay Cagatulla, kabilang sa mga proyektong ng kasalukuyang administrasyon ay ang ginagawang kalsada sa gitna umano ng gubat sa Decala, Bgy Caruray sa bayan ng San Vicente na nasa old growth forest na walang Environmental Compliance Certificate o ECC at Strategic Environmental Plan Clearance, at ang mga water system project sa bayan ng Taytay, Narra at Aborlan.
Maliban pa ito sa mga ginagawang rubber plantation, banana plantation , coconut plantation at pagmimina sa southern Palawan kung saan maraming puno ang kailangang putulin.
Samantala, tinalakay naman ni Cynthia Sumagaysay Del Rosario, Convenor ng Save Palawan Movement, ang hindi magandang epekto ng Coal-Fired Power Plant na planong itayo ng DMCI sa bayan ng Narra.
Ayon sa kaniya, nakakatiyak sila na hindi makakuha ng high quality na coal ang DMCI na siyang numero unong kondisyon sa ECC na ibinigay ng DENR dahil marumi umano ang coal sa Semirara na kanilang pagkukuhanan para gamitin sa planta dito sa Palawan.
“Ang Semirara na pagmamay-ari ng DMCI ang pinakamaruming coal sa buong Pilipinas at dahil marumi ito, kahit ibang planta sa Pilipinas ay hindi kumukuha sa Semirara kumukuha sila sa labas ng bansa, sa Indonesia,” ani ni Del Rosario.
Sinabi pa ni Del Rosario na masama ang epekto ng coal sa kapaligiran at kalusugan.
Sa ngayon ay patuloy pang kinukuha ng Palawan Daily News ang panig ng Provincial government at DMCI hinggil dito.