PCSDS, inilatag ang ilang mga accomplishment ngayong panahon ng pandemya

Inilatag ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) Staff ang ilan umano sa kanilang mga nagawa sa panahon ng community quarantine.

Sa post ng PCSD noong Hulyo 14, nakasaad na sa panahon ng pandemya ay nananatili ang PCSD Staff sa pangangalaga ng mga kagubatan sa kabila ng posibleng kaharaping banta na dala ng nakahahawang sakit na COVID-19.

“During this pandemic, the PCSDS continues to perform its mandate and protect our forests against excessive and illegal logging by unscrupulous individuals. Notwithstanding apprehensions conducted by NGOs, no NGO enforcer risks his life or limb like the PCSDS and DENR officers do,” ang nakasaad sa post ng PCSD sa kanilang social media page.

Batay pa sa post, sa simula pa lamang umano ng community quarantine ay hindi na sila tumigil sa kanilang operasyon na manghuli ng mga illegal loggers at magkumpiska ng mga chainsaw na walang kaukulang permit. At sa loob ng buwan ng Marso hanggang Hunyo 2020 ay mayroon silang 13 nahuling mga hindi rehistradong chainsaw mula sa iba’t ibang bahagi ng Lalawigan ng Palawan at Lungsod ng Puerto Princesa at nakapagsampa o magsasampa rin sila ng kaukulang kaso laban sa sangkot na mga indibidwal.

Inihayag din nilang nakasuporta rin ang PCSDS sa DENR at City Government ng Puerto Princesa sa kanilang mga hakbang at halimbawa na lamang umano sa ilegal na pagputol ng mga puno at bakawan sa kontrobersiyal na isyu sa Sitio Bucana, Brgy. Iwahig (Bucana-Matahimik Resettlement Area).

Nakasuporta rin umano sila sa iba pang sangay ng gobyerno at sa mga NGOs gaya ng Katala Foundation, Inc. (KFI) upang mapangalagaan ang mga kagubatan at mga buhay-ilang.

Sa kabilang dako, kaugnay sa paghuli sa mga violator, kahapon, Hulyo 15, ay pinost ng ahensiya na dalawang hindi rehistradong chainsaw units ang nakumpiska ng mga miyembro ng PCSDS-Enforcement Team sa Bayan ng Rizal noong Hulyo 9.

Ang una umanong chainsaw unit ay nakumpiska dakong 11 am sa Bgy. Culasian, Rizal, Palawan matapos na malaman ng apprehending team na walang metal seal at hindi rehistrado sa PCSDS ang ansabing kagamitan. Ito umano ay ginamit din sa pagputol ng puno ng Nato.

Muli namang nakakumpiska ng chainsaw ang grupo sa Sitio Sicud, Brgy. Candawaga, Rizal, mula kay Marcelo Francisco matapos na ginamit ang chainsaw ng walang kaukulang permit/s mula sa Konseho.

Nakatakda na rin umanog maghain ng kaukulang kaso ang PCSDS laban sa mga responsableng indibidwal dahil sa paglabag sa RA 9175 o ang “Chainsaw Act.”

Samantala, matatandaan namang kamakailan ay pinasaringan ng PNNI ang PCSD sa di umano nila pagganap sa kanilang tungkulin na pangalagaan ang Palawan sa panahon ng community quarantine kaya nakalusot ang ilang iligalista sa pagkalbo sa ilang kagubatan.

Exit mobile version