PNNI, inilahad sa mga kabataan kung bakit laban ito sa paghahati sa Palawan

Larawang kuha ni Michael Escote / Palawan Daily News

Ipinaliwanag kahapon ng Palawan NGO’s Network Incorporated o PNNI sa mga kabataang bumubuo ng Young Environmental Advocates Hub o YEAH kung bakit ito tutol sa paghahati ng Lalawigan ng Palawan.

Ayon kay Lorie Cagatulla, program manager ng PNNI, kabilang sa mga rason ay ang posibleng pagkakaroon ng political dynasty dahil hindi malinaw ang dahilan ng mga sumusulong nito kung bakit kailangang hatiin sa tatlo ang Palawan.

Sinabi pa niya na isinusulong nila ang “No To Division, No to Political Dynasty,” dahil halos iisa lamang umanong apelyido ang namamayani sa politika sa lalawigan habang kanilang mga kaalyado naman ang namamayani sa mga bayan.

Iginiit rin Cagatulla na tutol rin sila sa paghahati dahil sa usapin ng land-grabbing sa San Vicente, Calamianes Island at sa Southern Palawan.

Kasama rin umano ang water-grabbing dahil sa pagpayag sa pagtatayo ng pearl farm sa bayan ng Busuanga at mountain-grabbing sa El Nido dahil naman sa pagtatayo ng isang tourism establishment sa isang taraw.

Nanindigan naman ang PNNI na hindi paghahati ng Palawan ang kailangan ng Palaweños kundi isang competent leader.

“Ang tanong natin diyan, ano nang mangyayari sa Palawan? Papayagan ba natin ‘to?” dagdag pa ni Cagatulla.

Hinikayat niya rin ang mga kabataan na kailangan na maghikayat pa para magkaisa para malaman kung ano talaga ang nangyayari sa Palawan.

Matatandaang kamakailan lang ay naisabatas na ang Republic Act No. 11259 o “An Act Dividing the Province of Palawan into three provinces, namely: Palawan del Norte, Palawan Oriental and Palawan del Sur” kung saan sa susunod na taon ay itinakda na ng Comelec ang plebisito.

Exit mobile version