Sa kabila nang ipinalabas na utos ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga ahensiya ng pamahalaan na isama ang tree planting activities sa flood control projects nito, sa lungsod ng Puerto Princesa at lalawigan ng Palawan ay malaon na itong ginagawa.
Ang kautusan ay ipinalabas ng Punong Ehekutibo matapos maapektuhan ang napakarating lugar at mamamayan kaugnay ng pagdatal ng bagyong Paeng at sinundan pa ng Quennie nitong nakalipas na linggo.
Sa lungsod ng Puerto Princesa, regular nang nagsasagawa ng pagtatanim ng mga puno sa pangunguna ng pamahalaang lokal nito, dahil sa “Pista Y ang Kageban“, bukod pa sa pagsulong din ng taunang pagtatanim ng pamunuan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan , mga NGOs, at pribadong organisasyon.
Samantala, ilan naman sa mga nakausap na estudyante ng Palawan Daily ang nagbigay ng kanilang pag-sang-ayon sa sinabi ni Pangulong Marcos, na tunay ngang patuloy ang pagkakalbo ng kagubatan. Sinabi ng isang Grade 12 student mula sa isang unibersidad ng lungsod, “patuloy ang pagkaubos ng mga punong kahoy kahit palagian tayong nagtatanim, kasi marami pa rin ang maiitim ang budhi na walang ginawa kundi ang mag- iligal, pansariling interest lamang ang kanilang gusto.”
Sa naging pahayag ng Pangulong Bong Bong Marcos Jr, na ang deforestation at ang mga epekto ng climate change ay nagdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa sa Maguindanao kung saan hindi bababa sa 60 katao ang iniulat na namatay sa pananalasa ng Severe Tropical Storm Paeng.
Nagpahayag din si Pangulong Marcos ng pagkadismaya sa ilang indibidwal na patuloy na nagpuputol ng kahoy, na siyang dahilan ng nangyayaring landslides ngayon kasabay ng pagtitiyak nito na maraming non-government organizations ang tutulong sa gagawing tree planting activities.
Ayon naman kay Rynzo, isang Grade 4 pupil mula sa isang pampublikong eskwelahan ng Puerto Princesa, “maraming puno, pero marami pa ring nag- iisip kung paano kumita sa pamamagitan ng illegal logging, kawawa naman kaming mga bata pa at baka wala nang makitang kagubatan, at palaging baha at landslide na ang maranasan, kung hindi magiging matapang ang mga magbabantay.”
Bagama’t sa lungsod ng Puerto Princesa at lalawigan ng Palawan ay aktibo ang mga otoridad hanggang sa mga barangay sa kampanya upang maging mapagbantay ang komunidad na huwag mapagsamantalahan ang kalikasan, mayroon pa ring ilang mga insidenteng illegal logging na nangyayari nguni’t ito naman ay mabilis na naaaktuhan ng mga otoridad.