Patuloy pa ring nasa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang estado ng Barangay Mangsee sa bayan ng Balabac, Palawan habang patuloy na umaakyat ang bilang ng mga positibo sa nasabing lugar.
Sa tala ng lokal na Inter-Agency Task Force (IATF) ng nasabing munisipyo, sa ngayon ay nakapag-record na nang doseng kaso ng COVID-19 sa bayan at pawang lahat ng mga ito ay naka-isolate sa isang pasilidad sa barangay.
Ayon sa panayam ng Palawan Daily ngayong araw ng Martes, Nobyembre 10, 2020 kay Ted Guian, DILG Officer ng nasabing munisipyo, ang nga opisyal ay kasalukuyang nasa biyahe kasama ang mga representate ng Provincial Risk Reduction Management Office (PDRRMO) at lokal na IATF sa Barangay Mangsee ngayong araw.
“Nasa biyahe na po kami ngayon papuntang Mangsee para sa kaukulang contact tracing at makapagdala ng mga kakailanganing medical supplies at gamot,” ani Guian.
Sinabi rin nito na ang mga nasabing pasyente ay kasalukuyang nasa ilalim ng gamutan at inaasahang gagaling sa mga susunod na araw.
Sa naunang panayam ng Palawan Daily kay Guian noong Nobyembre 4, ipinag-alam nito na nagmula ang kaso sa dalawang lalakeng lulan ng isang lantsa mula sa Tawi-Tawi na dumaong sa Barangay Mangsee noong katapusan ng Oktubre.
Samantala, ayon kay Guian ay pinapayagan pa rin umano ang paglabas-pasok ng mga biyahero sa mainland Balabac sa pamamagitan ng mga lokal na passenger boats na nagmumula sa pier ng Rio Tuba at sa Buliluyan Port.
“Patuloy pa rin ‘yong biyahe kasi nasa Mangsee naman ang mga pasyente, pero anumang lantsa o bangka na magmumula sa Mangsee, ‘yon ang hindi natin pinapayagang lumabas,” ani Guian.