Malaki ang magagawang partisipasyon ng Department of Interior and Local Government upang himukin ang mga lokal na pamahalaan na isulong at palaganapin pang lalo ang bakuna kontra Covid sa kanilang mga nasasakupan.
Ito ang nilalaman ng naaprubahang resolusyon ni Board Member Marivic Roxas, sa nakalipas na sesyon ng Sangguniang Panglalawigan.
Ang Resolution No. 416-22 ay may titulong, “Earnestly requesting the Department of the Interior and Local Government (DILG-Palawan) to urge all the Local Government Units in Palawan to actively participate in the conduct of vaccination campaign to continually strengthen the fight against COVID-19 and promote a safer and healthier environment for all Palawenos.”
Pangunahing may akda ng naturang resolusyon ay si Board Member Marivic Roxas, bilang Chairperson ng Committee on Health and Social Services ng Sangguniang Panlalawigan.
Layunin ng resolusyon na lalo pang paigtingin at palakasin ang kampanya kontra COVID-19 sa lalawigan gayundin upang maisulong ang ligtas at malusog na kapaligiran para sa mga Palaweño.
Ayon kay BM Roxas, sa patuloy na pakikipaglaban ng Pamahalaang Panlalawigan sa COVID-19, malaking bahagi nito ang pagbabakuna, kung kaya’t naniniwala siya na malaki ang maitutulong ng pamunuan ng DILG upang mas lalong mahikayat ang bawat LGU na aktibong makiisa sa nasabing gawain.
Sinabi ni Roxas, “Alam niyo po patuloy pa rin tayong nakikipaglaban…kaya sana bigyan ng pansin natin yung usapin ng pagbabakuna para panlaban sa COVID-19 kasi hindi pa rin tayo nakakawala o nakakalaya po doon sa COVID-19. Kaya tayo ay nagpasa ng resolusyon na naka-address sa DILG kasi naniniwala tayo na ang ahensiyang ito ay mayroon po siyang very important call para matulungan ang bawat LGU sa ibat iba’t bahagi ng ating probinsiya,”.
Nakasaad sa naturang resolusyon na sa kasalukuyan ay umabot na sa 71.21% ang fully vaccinated individuals sa Palawan. Gayunpaman, hinihikayat pa rin nito ang pakikiisa ng bawat LGU upang maibaba mula sa kasalukuyang alert level 2 ang alert level status ng lalawigan.