Tamang kalinisan- dengue ay maiiwasan

PDN Stock Photo

Sa tamang kalinisan ng kapaligiran, ang sakit na dengue ay hindi lalaganap at tunay ngang maiiwasan.

 

Ito ang pinakapunto ng resulosyon na ipinasa ni City Councilor Raine Bayron’ kasama ang dalawa pang lokal na mambabatas ng Sangguniang Panglungsod ng Puerto Princesa, na sina Councilor Modesto Rodriguez ll, at Councilor Patrick Alex Hagedorn, at ganap na ngang inaprubahan sa ikalawang pagbasa ang panukalang naturan.

 

Ang resulosyon ay may titulong “A Resolution Requesting the City Health Office (CHO) in Coordination with the Educational Institution and Barangays within the Jurisdiction of Puerto Princesa, Oplan Linis and Solid Waste Management to Intensify and Strengthen Campaign against Dengue Hemorrhagic Fever from its Source”.

 

Sa naging panayam kay Konsehala Bayron, Chairman ng Committee on Health and Sanitation, hiniling nito ang koordinasyon ng mga  opisina upang mas mapaigting ang mga ginagawang istratehiya partikular sa information, education and communication campaign ng lokal na pamahalaan para patuloy na makapagsagawa ng fogging sa iba’t ibang lugar sa lungsod, upang mapigilan ang  pagtaas ng kaso ng dengue na naitatala sa Puerto Princesa.

 

Batay sa Department of Health, ang dengue ay isang impeksyon na may dalang virus, mula sa lamok na Aedes aegypti, at madaling matandaan dahil sa taglay nitong kulay itim at puti na anyong guhit sa katawan.

 

Umaatake ang nabanggit na lamok kada alas 6 ng umaga hanggang alas 8, alas 4 ng hapon hanggang alas 6 ng gabi. Sa sandaling  makagat ang isang tao ng lamok na may dalang virus posibleng magkaroon agad ito ng sintomas tulad ng lagnat.

 

” Sa ngayon talaga ang pinakamahalaga ay ang pagkakaroon ng massive information and dissemination campaign, so nandyan yung 4 o’clock habit at dapat may fogging tayo indoor at outdoor,” ayon sa Bayron.

 

Nabatid na mas mataas ngayong taong 2022 ang kaso ng dengue, kumpara sa nakaraang taon. Sa datos ng City Health Office ng Puerto, mayroong naitalang 334 kaso ng dengue sa lungsod, at malaking porsiyento ang naitalamula sa mga urban barangays.

 

Sinabi pa ni Bayron, “Ako, ang tingin ko [dahil] ang dami nating mga stagnant na tubig pareho sa akin sa tinitirhan ko sa likod nun ay creek eh tapos hindi siya flowing. Naka-screen naman kami so bakit kami tinamaan pa rin ng dengue?

 

Talagang dapat maglinis tayo yun ang pinakadapat nating gawin at hindi natin pwedeng iasa sa City Government alone. It takes two to tango diba. Yung coin dalawang side yan, yung side ng pamahalaan siyempre gagawin natin ang best natin para maiwasan at yung side ng community kasi kahit anong gawa namin na ganito ang gawin natin linisin natin kung yung community hindi makikisama eh walang mangyayari sa atin. Syempre linisin natin ang paligid natin, yung bakuran natin, yung mga buho na hindi naka-cut ng maayos binabahayan yun ng dengue, yung mga ganun. Maliliit na bagay para sa ilan pero malaking bagay para sa amin sa City Government na maiwasan natin ang dengue”.

 

Mariin ding nagpa-alala ang konsehala sa lahat ng mga mamamayan at komunidad na sundin ang 4s strategies. Kasabay ng pagsira sa mga makikitang pinamumugaran ng mga lamok, at kung makaranas ng sintomas ng dengue ang sinuman, mabilis na sumangguni sa doctor para sa agarang medikasyon, bagama’t wala naman outbreak ng dengue sa lungsod.

Exit mobile version