Mariing pinaalalahanan ng pamunuang medikal ng Mimaropa ang lahat ng mga mamamayan na mag-ingat sa baha, lalo na sa mga sakit na maaaring idulot nito.
Paalala ni Dr. Peter Hew Curameng, Development Management Officer V, Palawan Provincial Health Team Leader- Center for Health Development DOH MiMaRoPa, sa kanyang ipinadalang text message sa PDN, “Mag- ingat sa pagtawid sa mga baha lalo na kung may sugat sa mga paa. Kasi sa mga sugat ng paa o binti papasok ang lepto.”
Sa pangkalahatan, pinag-iingat din ng Department of Health ang mga mamamayan laban sa leptospirosis lalo na’t sunod-sunod ang pagkakaroon ng bagyo sa bansa.
Sa babala ng DOH, kinakailangang protektahan ng bawat isa ang kanilang mga sarili laban sa sakit na leptospirosis na isang bacterial infection. Ang leptospirosis ay dulot ng leptospira spirochetes bacteria na kumakalat sa pamamagitan ng ihi ng mga infected na hayop, lalo na ang mga daga o dili kaya ay karaniwang makukuha sa urine o feces ng mga hayop: aso, pusa, at mga alaga sa bukid. Wala man silang sintomas ng sakit na ito ngunit maaaring sila ay nagdadala nito. Kapag hindi naipagamot, ang sakit na ito ay tatagal ng mahigit isang linggo. Tuwing bumabaha, ang mga daga at iba pang hayop ay nagdudulot ng kontaminasyon sa tubig at naipapasa ang kanilang impeksiyon sa tao sa pamamagitan ng mga sugat sa balat.
Kabilang sa mga sintomas ng leptospirosis ang lagnat, pananakit ng kalamnan, panginginig, matinding pananakit ng ulo, pagsusuka, masakit na katawan, jaundice or paninilaw ng mata at balat, namumula or irritated na mata, pagsusuka, at diarrhea, samantalang ilan naman sa mga malalang sintomas ng leptospirosis ay ang kidney failure, meningitis, problema sa baga o respiratory problems.
Maaring malaman kung ang isang tao ay may leptospirosis sa pamamagitan ng blood test. Ang sakit na ito ay hindi naman napapasa o nakakahawa kapag galing sa isang taong may leptospirosis.
Para sa mga nagbubuntis, ang leptospirosis ay nakakaapekto sa iyong fetus. Dapat na magpakonsulta agad sa iyong doktor at magpamonitor sa ospital kapag ikaw ay mayroon nito.
Para makaiwas sa leptospirosis, kailangang sundin ang mga sumusunod;
- Iwasan ang maglakad sa tubig baha. Sa payo ng Department of Health, marapat na iwasan ang pagtawid sa tubig baha at kung hindi ito maiiwasan, magsuot ng bota at linisin ang mga paa gamit ang sabon at tubig.
- Huwag hawakan ang iyong mukha matapos na maglakad sa maulan na lugar o sa tubig baha, linisin ang iyong mga kamay ng mabuti. Ito ay gawin para maiwasan ang mahawa ang iyong mukha sa bacteria na nasa iyong kamay.
- Kung mayroon kang mga sugat o open wounds, gumamit ng bendahe at panatilihing malinis ito. Palitan ang iyong bendahe kung kinakailangan. Linisin ang iyong sugat gamit ang disinfectant bago gamitin ang bendahe.
- Gumamit ng tamang proteksyon katulad ng bota o guwantes bago pa man humawak o dumikit sa kontaminadong tubig.
- Alisin ang mga kontaminadong tubig sa kapaligiran.
- Panatilihing malinis ang iyong bahay lalo na sa mga daga. Gumamit ng mga panghuli ng daga o panlason sa daga.
- Lumayo sa mga hayop na nagdadala ng impeksiyon na ito. Karaniwan na pinanggagalingan ng sakit na ito ay mga daga.
Bukod dito, mayroon pa ring ilang mga sakit na maaaring makuha ngayong tag- ulan;
Dengue: Dulot ng babaeng lamok na Aedes aegypti ang dengue virus, na kadalasang mula sa mga lugar na madilim at basa tulad ng mga lumang drum o gulong na may tubig.
Malalaman mo kung ang isang indibidwal ay mayroong dengue, kapag mayroong mga sintomas katulad ng sobrang pananakit ng ulo, pagsusuka, rashes, joint pains.
Kinakailangang mabilisang agapan ang naturang sakit dahil sa ito ay mapanganib at nakamamatay.
Ang cholera ay isang malalang sakit na nagdudulot ng diarrhea na maaaring magdulot ng dehydration at pati pagkamatay kapag hindi naagapan agad.
Ang sakit na cholera ay maaaring makuha sa mga pagkain at inumin na kontaminado ng bacteria na tinatawag na Vibrio cholerae.
Ilan sa mga pangunahing sintomas ng cholera ay ang mabilis na tibok ng puso, low blood pressure, pagkauhaw, muscle cramps.
Bukod sa leptospirosis, dengue at cholera maaari ring makakuha ng mga sakit sa balat ang taong lumusong sa baha na kadalasang lalala kapag hindi naagapan.