Isang Palaweña, kasama sa 26 katao na namatay, 5 nawawala sa tumaob na mga bangka sa Iloilo Strait

Photo courtesy RMN iloilo

Photo courtesy RMN Iloilo

Trahedya sa dagat ang kumitil sa buhay ng halos 26 katao kasama dito ang isang Palaweña pagkatapos na tumaob ang sinasakyan nila at ang dalawa pang mga bangka dahil sa malakas na hangin at alon, kahapon ng hapon, araw ng Sabado, August 3.

Ayon sa ulat ng mga otoridad sa lungsod ng Iloilo, nakilala ang biktima na si Eden Perales, isang OFW na nagtatrabaho sa Al Ain, United Arab Emirates. Nakaligtas naman ang kaniyang asawang si Patrick Perales.

Isa rin sa mga kasamahan ni Perales sa trabaho sa UAE ang kompirmadong nasawi at isa pang nawawala pa rin.

Nagmula ang mga nasabing bangka sa Iloilo City Wharf at patungo sana sa Jordan Wharf, Guimaras.

Dahil sa matinding alon at hangin, lumubog mga bandang alas dose ng tanghali ang Motor Banca Chi Chi at ang Motor Banca Keshia 2, at pagkatapos ng dalawang oras, tumaob naman ang ikatlong bangka na M/B Jenny Vince.

Ayon sa ulat ng lokal na pamahalaang panglusod ng Iloilo, mayroong 86 na mga pasahero sa tatlong mga bangka, 55 naman ang nakaligtas at 26 ang kompirmadong namatay at limang nawawala pa.

Samantala, nasa iba’t ibang mga bahay-pagamutan pa din ang mga nakaligtas at patuloy na nagsasagawa ng search at retrieval operations ng mga otoridad sa mga nawawala pang mga pasahero.
Exit mobile version