4-day work week, pinag-aaralan ng Malacañang sa gitna ng oil price hike

Pinag-aaralan ngayon ng Malacañang ang pagpapatupad ng 4-day work week base sa rekomendasyong innilatag ng National Economic and Development Authority (NEDA) bunsod ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Ayon sa NEDA, ito ay upang makatipid sa gastusin sa pamasahe at petrolyo ang mga empleyado.

Sa ginawang virtual press briefing ng Malacañang noong Miyerkules, Marso 16, sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Chua na 40 oras pa ring magtatrabaho ang mga mangagagawa o empleyado ngunit sa loob lamang ng apat na araw kada linggo.

“Imbes na limang araw ay apart na araw, pero imbes na walong oras kada araw ay magiging sampu kada araw,” ayon kay Chua.

Ayon naman kay acting presidential spokesperson Martin Andanar, ito ay pinag-aaralan pa sa ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Ito pong mga panukalang ito ay in case na tumaas pa ng husto ang presyo ng langis sa pandaigdigang mercado,” ani Andanar.

Inaasahang ilalabas ni Duterte ang magiging desisyon nito sa nasabing 4-day work week at work from home arrangement bago o sa araw ng Marso 21.

Matatandaang ang 4-day work week ay pinatupad noong 1990’s upang masolusyunan ang epekto ng energy crisis dala ng giyera noon sa Iraq.

Samantala, noong Martes, Marso 15, ay muli na namang nagtaas ang presyo ng petrolyo sa bansa. Ito na ang ika-labing isang linggo ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa Pilipinas.

Exit mobile version