Lalong lumalaki ang presensya ng China sa West Philippine Sea, matapos maitala ng Philippine Navy ang karagdagang 40 sasakyang pandagat ng naturang bansa noong nakaraang linggo.
Sa ulat ng Philippine Navy, mula Agosto 27 hanggang Setyembre 2, umabot sa 203 ang kabuuang bilang ng mga barko ng China sa rehiyon, mas mataas kumpara sa 163 na naitala noong nakaraang linggo.
Batay din sa datos ng Philippine Navy, ang pinakamalaking konsentrasyon ng mga sasakyang pandagat ng China ay nasa Sabina Shoal at Pagasa Island, kung saan nakapagtala ng 71 at 52 barko, ayon sa pagkakasunod.
Nananatili namang nakaposisyon ang BRP Teresa Magbanua ng Philippine Coast Guard sa Sabina Shoal, sa kabila ng insidente kung saan ito ay nabangga ng isang barko ng China kamakailan. Ayon sa mga eksperto, posibleng ito ay bahagi ng estratehiya ng China upang buwagin ang presensya ng Pilipinas sa naturang lugar.