DND, hinikayat na pag-aralang i-restructure ang AFP para sa maritime threats

Hinihikayat ngayon ni Sen. Risa Hontiveros ang Department of National Defense (DND) na pag-aralan na ang pag-restructure sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas na sa kasalukuyan umano ay hindi akma sa isang pulu-pulong bansa. Una na man na itong tinuran ni Dr. Clarita Carlos ng UP na dati ring pangulo ng National Defense College of the Philippines.

Ani Hontiveros, iminungka ni Carlos na baguhin ang structure ng AFP upang mas maprotektahan ang pambansang interes sa ating karagatan.

Sa ngayon kasi, 18% ng AFP ay Navy (at halos kalahati ay Marines), 11% sa Air Force at pinakamalaki sa Army na 71%.

Kaya sa post ng opisyal sa kanyang Facebook page kamakailan, binigyang-diin ng Sendora na kailangan nang madagdagan ang bilang ng maritime forces  ng Pilipinas upang mas matugunan ang mainit na usapin sa West Philippine Sea.

“May internal security threats man sa ating kalupaan, dapat ding pag-aaralan kung paano mas mapatatatag ang ating maritime forces, lalo pa’t hindi tinatantanan ng Tsina ang ating teritoryo sa West Philippine Sea,” aniya.

Aniya, sa mga tinuran umano ni Dr. Carlos  ng UP, para sa isang continental na bansa ang disenyo ng kasalukuyang armed forces at hindi naaayon sa isang archipelago gaya ng Pilipinas.

“Umaasa akong isasaalang-alang ni Defense Chief Delfin Lorenzana ang panukalang ito. Napakalaking banta ang Tsina sa ating bansa. Huwag na natin itong itanggi.  Our national security, national interest, and national dignity are all at stake,” pagbibigay-diin niya.

Sa hiwalay namang post, iginiit ni Hontiveros na “Ang pinakamalaking banta sa anumang bansa ay ang banta ng dayuhang mananakop.”

“Ngayong linggo na ipinagdidiwang natin ang Araw ng Kalayaan ng Pilipinas, sana ang sakripisyo at giting ng ating mga ninuno ay magbigay inspirasyon sa ating lahat, opisyal man o mamamayan, para tunay na ipaglaban ang Pilipinas,” dagdag pa ng Senadora.

Exit mobile version