Isang Chinese research vessel ang namataan sa silangang bahagi ng Palawan nitong Linggo, Pebreo 9, dahilan upang maghigpit ng pagbabantay ang mga barko ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard.
Ayon kay Rear Adm. Roy Vincent Trinidad, tagapagsalita ng Philippine Navy para sa West Philippine Sea, natukoy ng Littoral Monitoring Station (LMS) Melville ang presensya ng barkong Lan Hai 101 at agad itong hinamon.
“In response to the challenge issued by LMS Melville, the crew aboard the CRV Lan Hai 101 communicated that their rerouting through the eastern waters of Palawan was necessitated by adverse sea conditions on the western side,” ani Trinidad sa isang pahayag nitong Lunes.
Tiniyak ng tripulante ng barko mula sa Cgina na dumadaan lamang sila at susunod sa mga pandaigdigang alituntunin kaugnay ng innocent passage sa loob ng Philippine archipelagic sea lanes. Sinabi rin nilang lalabas sila sa bahagi ng Coron, Palawan.
“The Armed Forces of the Philippines remains vigilant in its efforts to monitor maritime activities in the vicinity and reaffirms its commitment to maintaining the safety and security of the Philippine archipelago,” ani Trinidad.
Samantala, pinuri ni Senadora Risa Hontiveros ang isinagawang Maritime Cooperative Activity (MCA) ng Pilipinas kasama ang Estados Unidos, Australia, at Japan upang mapanatili ang malaya, bukas, at ligtas na rehiyon sa Indo-Pacific.