Pilipinas, nananatiling malakas na ekonimiya sa gitna ng pandaigdigang hamon

Ang ekonomiya ng Pilipinas ay patuloy na namumukod-tangi sa pandaigdigang merkado dahil sa matatag na domestic consumption at paborableng demographic profile. Sa kabila ng pandaigdigang hamon, nananatiling matatag ang bansa at nagpapakita ng mataas na potensyal para sa paglago.

Sa isang eksklusibong economic briefing para sa mga kliyenteng Hapones ng BDO, ibinahagi ni Dante Tinga Jr., Senior Vice President ng Investor Relations Group ng BDO Unibank, ang positibong pananaw para sa ekonomiya ng Pilipinas. Ayon kay Tinga, malaking papel ang ginagampanan ng batang populasyon ng bansa at malakas na paggastos ng mga mamimili sa pagsulong ng ekonomiya, kahit sa gitna ng pandaigdigang kawalang-katiyakan.

Bilang pundasyon ng ekonomiya, kalahati ng populasyon ng Pilipinas ay may edad na 25 pababa, at may taunang paglago ng populasyon na 1.6%. Dahil dito, nananatiling malakas ang domestic consumption, na higit pang pinalakas ng patuloy na pagtaas ng overseas labor deployment at remittance. Ang mga salik na ito ay nagbibigay ng matatag na purchasing power para sa mga pamilyang Pilipino, na nagtutulak sa konsumo at paglago ng ekonomiya.

Nagbigay rin ng pag-asa ang pagbaba ng inflation na bumalik sa target range ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Pinatatag ng gobyerno ang presyo ng bigas sa pamamagitan ng pagbaba ng import tariffs, na nagdulot ng price stability. Dahil dito, inaasahan ang pagbawas sa interest rates ng BSP, na magpapabuti sa kumpiyansa ng mga mamimili at magbibigay-daan para sa mas aktibong pamumuhunan ng pribadong sektor.

Samantala, binabantayan din ng bansa ang epekto ng pandaigdigang salik tulad ng mas malakas na dolyar, mga patakarang pananalapi ng U.S., at ang lumalaking pangangailangan para sa digital skills sa global market. Bagamat nananatili ang hamon, positibo ang pananaw para sa ekonomiya ng Pilipinas sa pagpasok ng mas paborableng kondisyon para sa negosyo at pamumuhunan.

Binigyang-diin din ni Tinga ang papel ng BDO Japan Desk sa pagpapalakas ng relasyon ng Pilipinas at Japan. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaalaman at solusyon para sa mga negosyanteng Hapones sa lokal na merkado, ipinapakita ng Japan Desk ang dedikasyon nito sa pagtataguyod ng kapwa pag-unlad ng dalawang bansa.
Exit mobile version