Spanish na babae, patay sa thailand matapos atakihin ng elepante

Isang 22-anyos na babae mula sa Spain ang pumanaw matapos atakihin ng isang elepante sa Thailand habang siya ay nagpapaligo sa hayop sa isang elephant care center noong Biyernes, Enero 5.

Ang biktima, kinilalang si Blanca Ojanguren García, ay kasalukuyang nag-aaral ng abogasya at international relations sa University of Navarra at naninirahan sa Taiwan bilang bahagi ng isang student exchange program. Kasama niya ang kanyang nobyo na saksi sa insidente.

Ayon sa lokal na pulisya, ang elepante ay nag-panic dahilan upang atakihin nito si García, na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Pinaniniwalaan ng mga eksperto na ang stress mula sa pakikipag-ugnayan ng elepante sa mga turista ay isa sa mga posibleng sanhi ng insidente, partikular na’t ang mga hayop na ito ay kadalasang nasa mga hindi likas na kalagayan para sa mga aktibidad na tulad nito.

Ang Koh Yao Elephant Care Centre, kung saan nangyari ang trahedya, ay kilala sa pag-aalok ng mga “elephant care packages” na nagpapahintulot sa mga turista na mag-alaga ng mga elepante, magluto ng pagkain para sa kanila, at makipag-ugnayan sa mga hayop, tulad ng pagpapaligo at paglakad sa mga ito. Ang bawat package ay nagkakahalaga ng 1,900 hanggang 2,900 baht (halos PHP 3,000 hanggang PHP 4,500.00)

Samantala, ang mga aktibista laban sa pang-aabuso sa hayop ay matagal nang binabatikos ang ganitong uri ng mga aktibidad.
Ayon sa World Animal Protection, ang mga elepante na ginagamit sa turismo ay madalas na naninirahan sa hindi angkop na mga kondisyon at nagdurusa sa ilalim ng pagka-kulong at hindi likas na kalagayan. Ang organisasyong ito ay patuloy na nananawagan ng pagbabago at pagtigil ng pagpaparami ng mga elepante sa mga captivity sa buong Asya.
Exit mobile version