Idinaos nang matagumpay sa PGP Convention Center sa Capitol Compound, Palawan, ang kauna-unahang West Philippine Sea Victory Day noong Hulyo 12.
Ang pagdiriwang ay nakabatay sa Provincial Ordinance No. 3498, na nagdedeklara sa Hulyo 12 bilang West Philippine Sea Victory Day sa buong lalawigan ng Palawan. Ang ordinansa ay isinulong ni Provincial Liga ng mga Barangay President at Ex-Officio Member Ferdinand P. Zaballa, na sinuportahan ng buong Sangguniang Panlalawigan noong Hulyo 9, 2024.
Nagsimula ang selebrasyon sa isang makulay na parada mula Rizal Park patungong kapitolyo, kung saan nagtipon ang iba’t ibang sektor ng pamahalaan sa pangunguna ni Gobernador V. Dennis M. Socrates. Ang programa ay nilahukan ng mga kinatawan mula sa KADRE Palawan, Samahan ng mga Mangingisda Kontra Korapsyon (SAMAKKO), at iba pang mga organisasyon.
Nagbigay din ng mensahe ng suporta ang mga opisyal ng bayan ng Kalayaan, kabilang sina Mayor Roberto Del Mundo at Sangguniang Bayan Member Maurice Phillip Albayda. Kasunod ng pagbasa ng ordinansa nina Board Members Juan Antonio E. Alvarez at Rafael V. Ortega, Jr., pormal itong nilagdaan ni Gobernador Socrates.
Isa sa mga tampok ng programa ay ang pagtatanghal ng awiting “WPS Akin Ka” na inihandog ni CDR Chatterly Alvaro-Sumbeling PN. Ang buong programa ay nagtapos sa isang panawagan sa publiko na makiisa sa Sulong West Philippine Sea Movement na pinangungunahan ni BM Zaballa.
Ang matagumpay na pagdiriwang na ito ay inaasahang magiging taunang selebrasyon sa Palawan bilang pagpapakita ng pagkakaisa at pagmamahal sa West Philippine Sea.