Ilang pakete na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu, baril at mga bala ang kabilang sa mga nakumpiskang item ng pulisya mula sa mga suspek sa ikinasa nilang buy-bust operation kahapon ng umaga sa Coron, Palawan.
Kinilala ang mga suspek na sina Alberto Jaime “Jimmy Socorro” Paller Soccoro, 67, karpenter, mula sa Culion, Palawan; Francis “Frank Riva” Valencia Riva, 41, may live-in partner, boatman at Anne Villonez Hermida, 41, ang kinakasama ni Riva, housemaid, mula rin sa Culion, at pawang pansamantalang naninirahan sa Sitio Dimanyang, Brgy. Guadalupe, Coron, Palawan.
Sa spot report mula sa PPO, nakasaad na ikinasa ng Coron MPS at Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 1st MC ng Police Regional Office (PRO)-MIMAROPA ang joint anti-illegal drugs operation dakong 5:35 am kahapon sa Sitio Dimanyang, Brgy. Guadalupe na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek na sina Riva at Hermidia habang si Soccoro naman ay nagawang makatakas.
Nakumpiska mula sa kanila ang isang heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalanag shabu (buy-bust item), 24 piraso pang mga pakete na naglalaman din ng umano’y shabu, dalawang hindi pa silyadong pakete na naglalaman din ng puting pulbos na pinaghihinalaang shabu, dalawang disposable lighter, isang magazine ng cal. 45, isang baril na cal. 45, apat na pirasong live ammunitions ng cal. 45 at isang P1,000 na ginamit sa buy-bust.
Kasama rin sa confiscated items ang apat na gunting, isang pack disposable plastic, isang kaha ng Fortune, apat na P100, isang P20, isang P1,000 play money, isang nirolyong aluminium foil at dalawang BPI Deposit Slip.
Sa isinagawa naman umanong follow-up operation ay natagpuan na lamang ng operating team na wala ng malay ang makatakas na suspek na si Soccoro sa damuhang bahagi sa tinatayang humigi’t kumulang 100 metrong layo mula sa kanyang bahay. Agad umano siyang isinugod sa Coron District Hospital ng mga tauhan ng Coron MPS upang magamot ngunit dineklara na siyang dead on arrival ng attending Physician.
Sa ngayon ay nahaharap ang mag-live-in partners sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act” at RA 10591 o ang “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.”