50-anyos na lalaki, sinaksak-patay

Patay sa pananaksak ang isang lalaki na naganap noong ika-18 ng Agosto, 2024, bandang 5:50 ng hapon, sa Barangay Ocayan, Bataraza, Palawan. Ang biktima ay kinilalang si Joel Livingstone, 50 anyos, at residente ng nasabing barangay.

Ayon sa ulat ng Palawan Police Provincial Office, ang suspek ay kinilala bilang si Fred, 53 anyos, isang magsasaka, at residente rin ng Barangay Ocayan. Sa paunang imbestigasyon, lumalabas na noong bandang alas-11:00 ng umaga ng nasabing araw, nag-inuman ang biktima at suspek sa tabi ng bahay ng huli. Bandang 5:50 ng hapon, nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng dalawa na nauwi sa pananaksak. Sinaksak umano ng suspek ang leeg ng biktima gamit ang kutsilyo habang ito ay nakahiga sa banig.

Matapos ang insidente, tumakbo ang biktima papunta sa national highway upang humingi ng tulong. Bandang 6:10 ng gabi, ang mga tauhan ng Bataraza MPS ay nagsasagawa ng mobile patrolling sa Barangay Ocayan at napansin ang sugatang biktima na humihingi ng tulong.

Dinala ang biktima sa Bataraza Rural Health Unit ngunit idineklara itong dead on arrival ng manggagamot.
Sa isinagawang follow-up operation, naaresto ang suspek at kasalukuyang nasa kustodiya ng Bataraza MPS para sa imbestigasyon at wastong disposisyon.
Exit mobile version