Patay ang isang 63-anyos na pasahero ng traysikel habang sugatan naman ang 50-anyos na drayber nito matapos na masalpok ng kasalubong nitong Isuzu refrigerated van sa kahabaan ng National Highway ng Barangay 3, Roxas, Palawan, dakong 2:40 ng hapon nitong Lunes, Hulyo 14.
Sangkot sa aksidente ang isang Honda TMX 155 na traysikel na minamaneho ng isang alyas “Lando,” habang hindi na pinangalanan ng pulisya ang pasahero nito na parehong residente ng Barangay 3, sa bayan ng Roxas.
Kinilala naman ang drayber ng Isuzu van sa alyas na “Ar Ar,” 48-anyos, at residente ng Barangay Mangingisda sa lungsod ng Puerto Princesa, at ang helper nito na hindi na rin pinangalanan ng pulisya.
Dahil sa pagkakasalpok, nagtamo ng iba’t ibang sugat sa katawan ang drayber at pasahero nito na parehong isinugod sa Roxas Medicare Hospital ng mga rumespondeng tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO). Sa kasamaang palad ay hindi na umabot pa ng buhay ang pasahero at idineklarang dead on arrival ng sumuring doktor.
