Apat na mga lalaki, huli sa drug buy-bust operation ng El Nido PNP

Ambag na larawan

Ikinasa ng El Nido Police Station ang isang buy-bust operation na pinamunuan ni Chief Insp. Starky Timbancaya noong Pebrero 17 at 18 na nagresulta sa pagka aresto ng apat na mga kalalakihan.

Pasado 10:00 P.M. ika-17 ng Pebrero ng madakip si Allan Loyde Legaspi na di umano’y nagtutulak ng ilegal na droga sa Bgy. Barotoan sa bayan ng El Nido.

Ayon sa ulat ng kapulisan, nakabili ang kanilang asset sa suspek ng isang pakete na pinaghihinalaang shabu dahilan ng pagdakip dito.

Sa pagkakadakip sa suspek ay narekober pa sa kanya ang limang tabletas na possibleng ecstasy, isang pakete ng pinatuyong dahon ng marijuana at dalawa pang pakete ng pinaghihinalaang shabu.

Samantala, tatlong lalaki naman ang kasunod na nahuli sa operasyon sa Bgy. Pasadena bayan din ng El Nido noong ika-18 ng Pebrero 2:00 A.M.

Nakumpiska sa mga arestado ang anim na paketeng pinaghihinalaang shabu, dalawang paketeng marijuana, at isang “pancake” na may halong marijuana.

Ang tatlong kalalakihan ay kinilalang sina Mark Jerald Javarez, Arsani Padilla at Paul Gimenez.

Ang mga nasabing suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at kasalukuyang nakapiit sa El Nido PNP Station.

Exit mobile version