Dalawang lalaki, sinaksak sa Balabac

 

Parehong nagtamo ng saksak sa bahagi ng katawan ang dalawang lalaki matapos sugurin ng dalawang suspek noong Lunes, Marso 13, sa Barangay Mangsee, Balabac, Palawan.

 

Ayon sa ulat ng Palawan Police Provincial Office (PPO) at sa imbestigasyon ng Balabac Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente ng pananaksak ganap na 8:45 ng gabi noong Marso 13.

 

Ang mga biktima ay kinilala bilang sina Jovani Beza Yu, 45-anyos, mangingisda, at si Delman Basirun Taril, 41-anyos, mangingisda, at parehong  residente ng Barangay Mangsee.

 

Ang mga suspek naman ay  kinilala bilang sina Assep Bassan, (at-large) 26-anyos, mangingisda,  Patty Bismani Hassan, (arrested), 27-anyos, mangingisda at  residente rin sa nasabing lugar.

 

Nakaupo sa tapat ng tindahan si Delman ng dumating ang mga nakainom na suspek. Ininsulto umano ng dalawa ang tiyuhin ni Delman na may ari ng tindahan.

 

Pinayuhan ni Delman ang dalawang lalaki na umalis na ngunit sa halip na umalis ay sinugod ng saksak ni Bassan si Delman na tinamaan sa tiyan, habang si Yu naman ay sinabihan ang mga suspek na tumigil ngunit maging ito ay inundayan din ng saksak ng dalawang suspek.

 

Matapos gawin ang krimen ay naaresto si Hassan ng mga kaanak ng dalawang biktima habang si Bassan ay patuloy na tinutugis ng mga awtoridad.

 

Nagsampa na ng kaukulang kaso ang PNP laban sa dalawang suspek.

 

 

Exit mobile version