Ex-kapitan sa Taytay, arestado dahil sa mga baril

Isang dating kapitan ng barangay ng Bayan ng Taytay ang inaresto ng PNP kahapon ng makuhanan ng mga baril pagkatapos haloghugin ang kanyang bahay sa bisa ng ibinabang search warrant ni Executive Judge Paul Jagmis Jr. na may petsang Mayo 27.

Kinilala ang arestado na si Jovannie Fuentes Buyo, 64, may asawa, magsasaka at residente ng Sitio Tamalarong, Brgy. Abongan, Taytay, Palawan.

Sa spot report na ibinahagi ng Palawan Police Provincial Office (PPO), nakasaad na dinakip ang suspek matapos i-search ang kanilang tahanan bandang 4:50 PM kahapon ng pinagsanib na pwersa ng PIU Palawan PPO sa pangunguna ni PMaj. Grace Vic Gomba (lead agency), 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC), Regional Special Concerns Group (RSCG) ng PRO Mimaropa, Kalayaan MPS, at Taytay MPS.

Nakuha mula sa pag-iingat ng former barangay captain ang isang unit caliber 45 pistol (Armscor) na may serial number, tatlong pirasong caliber 45 magazine, 22 pirasong bala ng nasabing uri ng baril at isang belt bag na kulay bughaw na sinaksihan naman ng dalawang kagawad ng barangay na sina Bren Ree Brillo at Wilma Capuno.

Ang nabanggit na anim na mga ebidensiya na nakumpiska mula kay Buyo ay nilitratuhan at na-inventory umano mismo sa lugar kung saan naganap ang insidente.

Naipaalam naman umano sa suspek ang kanyang mga karapatan sa ilalim ng Kontitusyon bago siya dinala sa Taytay MPS para sa tamang disposisyon.

Sa kasalukuyan ay inihahanda na ng pulisya ang kasong paglabag sa RA 10591 o ang “The Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act” na ihahain laban sa suspek sa Palawan Provincial Prosecutor’s Office.

Exit mobile version