Dead-on-arrival ang head security guard ng isang security agency matapos barilin ng tauhan kaninang umaga sa Bayan ng El Nido.
Kinilala ang biktima na si Rogelio Clavio Sumagaysay Jr., 34 taong gulang, may asawa, head security ng Yuipco Security Agency, residente ng Lungsod ng Puerto Princesa at pansamantalang naninirahan sa Sitio Bobolongan, Brgy. Corong-corong.
Ang suspek naman ay si Rodel Casidsid, 30 taong gulang, may asawa, security guard ng nasabi ring agency na nakatalaga sa San Antonio Corp., at residente ng Bucana, El Nido.
Sa spot report mula sa El Nido Municipal Police Station (MPS), dakong 9:20 am ngayong araw, Agosto 21, nang makatanggap ng tawag ang himpilan na nag-uulat sa naganap na shooting incident sa Sitio Bobolongan, Brgy. Corong-corong.
Lumabas sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya na bago ang insidente ay nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang biktima at suspek ukol sa assigned post at detalye ng pagdyu-duty sa isang tituladong lote ng San Antonio Corp. sa lugar nang bigla na lamang umanong ilabas ng suspek ang baril na bigay ng kanilang kompanya na caliber 9mm pistol at binaril ang biktima sa kaliwang bahagi ng kanyang tiyan.
Matapos ang krimen ay mabilis na tumakas ang suspek.
Agad namang dinala ang biktima sa pinakamalapit na klinika ngunit sa kasamaang-palad ay dineklara siyang wala ng buhay ng sumuring doktor.
Sa kasalukuyan ay patuloy na nagsasagawa ng manhunt operation ang El Nido PNP tungo sa ikadadakip ng suspek.