High powered firearms na na-recover sa Coron, Palawan, pagmamay-ari ng NPA – PNP

Lumalabas sa imbestigasyon ng Coron Municipal Police Station (MPS) na New People’s Army (NPA) ang nagmamay-ari ng mga nakumpiskang matataas na kalibre ng baril sa Sitio Langka, Brgy. Bintuan, Coron, Palawan noong madaling araw ng January.

Ayon kay PCPT. Ervin Plando, Chief of Police ng Coron MPS, matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang dating miyembro ng NPA ay agad silang kumilos kasama ang Special Project Team, FIID, PNPSAF, at iba pang law enforcement unit.

“So noong gabi ng petsa 7, dumating sila [Special Action Force] dito sa area bitbit yung kanilang action agent tapos the following day merong information na may mga kalalakihan na may bitbit ng mahahabang baril na nakita doon sa area so parang positibo yung information ng kanilang action agent so pinagplanuhan,” ani PCPT. Plando.

“Tapos yun nung gabi ng petsa 8 mga bandang alas onse nag umpisang magplano ng operasyon yung mga operating troops na kinasasakupan ng Special Action Force, yung ating army at yung local police kasama din natin ang Regional Mobile Force battalion na naka-assign dito sa Coron.”

“Mga bandang 4 ng madaling araw ng petsa 9 narating yung area yung itinuro ng action agent doon sa loob ng kubo nakatago yung mahahabang klase ng kalibre ng baril.”

Photo from Coron MPS

Sa isinagawang joint operation, na-recover ng mga awtoridad ang dalawang (2) M16A1 rifles, apat (4) rifle grenade, at iba’t ibang bala.

Base sa spot report, ang lugar ay kontrolado umano ng Federation of Coron-Busuanga Palawan Farmers Association (FCBPFA). Ang FCBPFA ay isang umanmong “progressive group na involved sa land grabbing.”

Dagdag pa ni PCPT Plando, hindi mga taga-Coron ang mga taong nakikita sa lugar kundi galing sa mga kalapit na probinsya.

“Ang sinsabi nila dumating daw dito yan mga grupo na yan mula Mindoro na hindi naman legitimate na mga taga dito [sa Coron] upang ukupahan yung mga nakatiwangwang na mga lupa na sinasabi nilang public lands.”

Samantala inamin din nito na wala silang inaresto o makakasuhan sa operasyong ginawa dahil ang kanilang prayoridad ay makuha ang mga armas na itinatago sa lugar.

“For now, hindi po muna natin siya ma-file-an ng complaint. The accomplishment is the recovery of high powered firearms so wala po muna tayong mai-file na complaint but as I said ito po ay magiging isa sa mga basis para sa future legal actions.”

Exit mobile version