High Value Individual ng PNP sa Palawan, arestado sa Pasig City

Kulungan ang bagsak ng isang lalaki na wanted sa batas at High Value Individual (HVI) ng Palawan Provincial Police Office at target list Rank No. 9 ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Palawan na kinilalang si Rosevelt Macadangdang Bala, alyas “Arby Bala”, 39 anyos, isang electrician at kasalukuyang naninirahan sa Jemeni Centennial 2, Pinagbuhatan, Pasig City.

Batay sa Report ng Palawan Provincial Police Office, February 27 nang masakote ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na pirmado ni Judge Paul B Jagmis Jr.  RTC, 4th Judicial Region, Branch 95, Puerto Princesa City, Palawan noong November 6, 2017 sa paglabag ng Section 5(i) ng RA 9262 “An Act Defining Violence Against Women And Their Children” na may pyansa na nagkakahalaga ng P120,000 para sa pansamantalang kalayaan nito.

Habang naglabas din ng warrant of arrest noong November 3, 2017 si Judge  Anna Leah Y. Tionson-Mendoza, Assisting Judge, Branch 95, 4th Judicial Region, Puerto Princesa City, Palawan sa kasong paglabag ng Section 5(a) in Relation to Section 6(a) ng RA 9262 at mayroon pyansa na P10,000.

Nabatid na ginawa ang krimen sa lalawigan ng Palawan at nagtago ang suspek sa bang lugar at wanted din sa PDEA sa pagkakasangkot ‘di umano sa ilegal na droga.

Samantala, ang suspek ngayon nasa Police Sub-station 5 na ng Pasig City at nakatakdang i-turn-over sa El Nido MPS at Palawan Provincial Intelligence Unit.

Exit mobile version