Selos ang nakikitang dahilan ng mga awtoridad sa pagpaslang sa isang babae sa Bayan ng Aborlan at paglibing sa kanya ng suspek mismo sa kanyang bakuran na nahukay lamang kahapon, June 18.
Kinilala ang biktima na si Rhodora Dioso Ayunan, 45 taong gulang, may-asawa, residente ng Brgy. Mabini at OJT ng Bantay Palawan sa Aborlan habang ang suspek ay si Nestor Milo Lacap, 49 anyos, may asawa, dating security guard at residente naman ng Brgy. Ramon Magsaysay ng nabanggit ding bayan.
Sa ibinahaging impormasyon ng Regional at Provincial Police Office (PPO), nakasaad na nahukay ang bangkay ng biktima kahapon sa Nestor Lacap Compound sa Brgy. Magsaysay, Aborlan matapos na itimbre ng pamangkin mismo ng suspek sa Provincial Intelligence Unit (PIU) noong Hunyo 17. Ayon sa nagsumbong na tumayo na ring witness sa krimen, pinatay ng kanyang tiyuhin ang biktima noong Mayo 25 at inilibing mismo sa loob ng kanilang compound.
Bunsod nito, bandang 4:00 pm kahapon ay tinungo ng team na binubuo ng Aborlan Municipal Police Office, PIU, Palawan Provincial Crime Laboratory at Municipal Health Office (MHO) ang lugar at doon ay natagpuan ang bangkay ng biktima na ibinaon sa bakuran ng suspek. Agad din umanong isinagawa ang post mortem examination sa bangkay na pinangunahan ni Municipal Health Officer Fidel Salazar ng Aborlan Rural Health Unit (RHU).
Samantala, unang iniulat sa pulisya na nawawala ang biktima dakong 7:30 pm noon pang Mayo 27. Napag-alamang umalis si Ayunan bandang 5:30 pm noong Mayo 25 sakay ng kanyang kulay itim na motorsiklo at nakitang pumasok sa Provincial Road ng Sitio Bantayan, Brgy. Magsaysay, Aborlan patungo interior ng Brgy. Gogognan.
Bandang 10:00 am naman kinabukasan ay nakita na lamang ang kanyang motorsiklo plantasyon ng palm tree sa Brgy. Gogognan.
Hinanap umano siya ng kanyang mga kaanak katuwang ang Aborlan PNP at mga opisyales ng barangay Mabini, Gogognan at Ramon Magsaysay ngunit pareho silang nabigo hanggang sa maiulat ang pagpaslang sa kanya at mahukay ang kanyang bangkay kahapon ng hapon.
Sa hiwalay namang panayam ng Palawan Daily kay Kgd. Lorenso Magsipoc ng Brgy. Magsaysay, kinumpirma niyang selos ang dahilan ng krimen.
“Parehas po ‘yan silang may asawa. Selos ang ugat ng kamatayan ng babae. Gusto ng lalaki, siya lang kaya pinatay niya [ang biktima] mismo sa bakuran ng kanyang (lalaki) bahay,” ayon sa kagawad.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng Palawan Intelligence Unit ang suspek sa krimen.